CAMP DANGWA, Benguet – Kalaboso ngayon ang isang barangay tanod matapos siyang maaktuhan sa pagbebenta ng shabu sa anti-illegal drug operation sa bayan ng Dolores, ayon sa Police Regional Office (PRO)-Cordillera sa La Trinidad, Benguet.
Kinilala ni PRO-Cordillera Director Chief Supt. Ulysses Abellera ang nadakip na si Jimmy Arce Vinegas, 50, tanod sa Barangay Cabaruan, Dolores, Abra.
Ayon kay Abellera, Hunyo 8 nang nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na operatiba ng Abra Police Provincial Office at Criminal Investigation and Detection Group, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), laban kay Vinegas na napaulat na nagbebenta ng ilegal na droga sa Bgy. Talogtog, Dolores, Abra.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na may laman na nasa isang gramo ng hinihinalang shabu, P1,100 cash, P12,000 boodle money, isang Nokie cell phone, at drug paraphernalia.
Nasa target list din ng PDEA, kakasuhan si Vinegas ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
(Rizaldy Comanda)