Hindi na nga naisakatuparan ang maitim niyang balak, nakalaboso pa ang isang carnapper matapos siyang maaresto nang manlaban sa kanya ang lalaking public school teacher na tinangka niyang agawan ng motorsiklo sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Paglabag sa R.A. 6539 (Anti-Carnapping Law), attempted homicide, at paglabag sa election gun ban ang isinampa laban kay Gerald Ravino, 28, binata, Barangay 155, Bagong Barrio, Caloocan City.

Pasa at mga galos sa katawan at braso ang tinamo naman ng biktimang si Jonathan De Castro, 26, binata, ng Bgy. Bignay, Valenzuela City.

Kuwento ng guro kay PO2 Regor Germedia, dakong 5:30 ng umaga at sakay siya sa kanyang Suzuki Raider motorcycle (NE-74690) at binabaybay ang Mac Arthur Highway sa Karuhatan nang mangyari ang insidente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Huminto raw ‘yung victim kasi nag-red 'yung stop light, tapos lumapit sa kanya ang suspek at tinutukan siya ng baril saka umangkas,” ani PO2 Germedia.

Inutusan daw ni Ravino si De Castro na paandarin ang motorsiklo at huwag magpapahalata na holdap ang pakay ng una.

Paglagpas sa isang mall, sinadya ng teacher na isemplang ang motorsiklo at sabay silang bumagsak sa semento.

Binaril ni Ravino si De Castro pero hindi pumutok ang baril kaya sinunggaban ito ng huli at nagkabunuan sila hanggang sa dumating ang mga tauhan ng Police Community Precinct-9 na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

(Orly L. Barcala)