Sinulat at mga larawang kuha ni LIEZLE BASA IÑIGO
PANGANGALAGA sa kalikasan ang ipinamalas ng mga local artist ng Pangasinan sa ginanap na sand sculpting sa Capitol Beach Front.
Dinumog ng beachgoers at maging ng mga lokal na turista ang pangkultura at pangturismong okasyon na ito. Namangha ang karamihan at labis nasiyahan sa bawat gawa ng amateur at professional artists.
Ang paglililok ng buhangin o sand sculpting ng bawat partisipante ay naghatid ng saya sa bawat nanood, dahil nakakamangha ang talento na kanilang ipinamalas at ng nilalaman ng kanilang puso na naiguguhit o nailililok sa buhangin.
Ginanap ang sand sculpting bilang pinakatampok na aktibidad ng pistay dayat (Sea Festival) noong Abril 30, na nagsimula ng alas-4:00 ng madaling araw sa Capitol Beach Front.
Samantala, si Paco Santos, kilalang Pangasinan sculptor at poet ay naghikayat na isagawa na tuwing weekend ang sand sculpting sa dalampasigan sa Kapitolyo ng probinsiya.
Aniya, hindi lang dapat sa paglahok sa kumpetisyon hasain ang paglililok kundi gawing makabuluhan.
Sinabi ni Santos na sa pamamagitan ng sculpting naipapahayag ang saloobin, ang imahinasyon at anumang bagay na may mensahe hindi lamang sa kalikasan kundi maging ang nakikita sa gobyerno.
Mas mainam na paraan para maghatid ng mensahe sa gobyerno sa halip na masangkot sa negatibong paraan tulad sa social media.
“Art is not about the competition, is it sharing what you have inside. You go here because you want to express what is inside you,” pahayag ni Santos.