NANANATILING kontrobersiyal si Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte (RRD) kahit ngayong nahalal na siyang pangulo ng Pilipinas batay sa pagbibilang ng boto ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ng Comelec. Kung noong panahon ng kampanya ay kontrobersiyal na siya dahil sa pagmumura, bantang papatayin ang mga drug pusher, rapist, kriminal at bulok na elemento ng lipunan, hanggang ngayon ay kontrobersiyal pa rin ang machong alkalde na ang paboritong ulam ay menudo at pritong tamban na inihahanda sa kanya ng life partner na si Cielito “Honeylet” Avancena, isang nurse.
Ayon sa mga ulat, ikinukonsidera niya ang pagkakaloob ng general amnesty sa lahat ng political prisoner na nangakulong ngayon upang wakasan ang communist insurgency sa naghihirap at nagdurusang Pilipinas. Sa pakikipagpulong niya noong Linggo sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang hotel sa Davao City, may report na ang posibleng hirangin niya bilang hepe ng military ay ang “protege” ni ex-Army General Jovito Palparan, berdugo ng mga rebeldeng New People’s Army.
Suriin at isipin nating mabuti: Si Palparan na “butcher” daw ng mga pinaghihinalaang NPA at masidhing anti-communist ay nakakulong ngayon dahil sa hinalang siya ang nagpadukot sa dalawang babaeng UP student. Si RRD ay mabait at makiling naman sa CPP-NPA na pinamumunuan ng dati niyang estudyante na si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines. Pero, ang pipiliin daw ni RRD na hepe ng AFP ay ang “protege” ni Palparan gayong siya naman ay “bias” sa NPA.
Alam ba ninyong tinawag ni Joma na “poetic justice” ang namimintong panalo ni CamSur Rep. Leni Robredo laban kay Sen. Bongbong, anak ng diktador? Inaasahan ang tagumpay ni beautiful Leni na puwede na ring tawaging “presumptive vice president” o incoming vice president.
“She (Robredo) stops on its track the long-term drive of the Marcos Family to go back to Malacanang , criminally using the money stolen from the Filipino people through a bloody fascist dictatorship.” Pahayag ito ni Joma mula sa Utrecht, The Netherlands noong Lunes, kasama ang pagbati sa tagumpay nina Duterte at Robredo.
Ayon sa communist leader, higit na “matamis” ang tagumpay ni Leni dahil lumaban siya sa mga Marcos. “Roxas simply carried the stigma of Pres. Aquino’s kiss of death, merely wishing to continue the discredited daang matuwid,” parunggit pa ni Joma. Noong nakaraang taon, pinayuhan niya si Mayor Digong na huwag kunin si Bongbong bilang bise presidente niya.
Hindi ba ninyo napapansin na parang sawa na ang mga tao sa dalawang naghaharing political families sa bansa—ang Marcos Family at ang Aquino Family? Ayaw na rin nila sa mga kandidatong umaastang marurunong, nagtapos sa kolehiyo (lokal o abroad), abogado, ekonomista at magagaling mag-English. Ang gusto na nila ngayon ay tulad ni RRD na isang straight at tough-talking local executive na nangakong itutumba ang mga salot sa lipunan sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Sana ay matupad ni RRD ang mga pangako sa taumbayan noong panahon ng kampanya!