MAHIGIT isang linggo na ang nakararaan mula nang gamitin natin ang ating karapatan na ihalal ang ating mga pinuno.

Sa kabila ng mga insidente ng karahasan sa ilang lugar, idineklara ng mga awtoridad na naging mapayapa ang halalan.

Ilang oras matapos magsara ang mga presinto, naging maliwanag ang malaking kalamangan ni Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte sa ibang kandidato sa pagkapresidente.

Pinupuri ko si Senadora Grace Poe bilang una sa tumanggap ng pagkatalo. Ito ay angkop na salamin ng kanyang pagkatao at ng kanyang pagmamahal sa bayan. Ipinakita niya na may mas mataas na lunggati kaysa kapangyarihan—ang kapakanan ng bayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sumunod na nag-concede si Secretary Mar Roxas. Mahalaga ito kung iisipin na naging mapait ang mga huling araw ng kampanya, kung kailan nagliparan ang mga akusasyon sa pagitan ng mga kandidato.

Pagkaraan ng ilang araw, binati ng Bise Presidente si Mayor Duterte sa pagwawagi nito.

Mahalaga ang pag-concede lalo na sa mahigpit na halalan dahil nakatutulong ito na mabawasan ang tensiyon at ang posibilidad ng karahasan.

Pinalalakas din nito ang tiwala ng mamamayan sa proseso ng halalan, na mahalaga sa pagpapalakas sa ating demokrasya.

Binabati ko si Mayor Duterte sa kanyang tagumpay. Ito ay tagumpay hindi lamang para sa Mindanao kundi para sa buong bansa.

Sa aking mga pitak bago ang halalan, binanggit ko ang limang pangunahing isyu na kinakaharap ng bansa: kapayapaan, problema sa komunismo, pagtutulak ng secession ng mga grupong Muslim, alitan sa pagitan ng Pilipinas at China, at ang problema sa ilegal na droga.

Sa lahat ng mga isyung ito, nagbigay ng mensahe si Duterte na tuwiran at madaling naunawaan ng mga Pilipino. Kaya naman halos 40% ng mga botante ang nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon.

Gayunman, kailangang magtagumpay si Duterte sa kanyang transisyon mula sa pagiging kandidato patungo sa pagiging pangulo ng republika.

Habang sinusulat ito, hindi pa rin maliwanag ang halalan sa pagka-bise presidente. Bahagyang nangunguna si Rep. Leni Robredo laban kay Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Binabati ko sina Senators Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano, kapwa miyembro ng aming Nacionalista Party, sa pagtanggap nila sa resulta ng halalan. Binabati ko rin sina Senators Gregorio Honasan at Francis Escudero na nagtulak ng respetadong kampanya.

Si Senador Marcos, na miyembro rin ng aming partido, ay nananatiling malapit sa tagumpay. Ginagamit ng kanyang kampo ang lahat ng paraang ayon sa batas upang matiyak na mabibilang nang wasto ang kanyang mga boto.

Sinuman ang manalo sa halalan sa pagka-bise presidente ay makabubuti sa ating mga mamamayan; ang dalawang nagtutunggali ay kapwa naghahangad na magsilbi sa bayan.

Binabati ko ang mga botanteng Pilipino na ginamit ang kanilang karapatan sa kabila ng init ng panahon at ng mga karaniwang suliranin tuwing halalan, gaya ng pagkawala ng mga pangalan at pagkasira ng mga vote counting machine.

Karapat-dapat ding purihin ang matatapang na guro na isinuong ang kanilang buhay upang maisagawa natin ang ating karapatang demokratiko. Mabuhay ang mga guro!

Magandang gantimpala sa mga guro na mabigyan ng kompensasyon bilang mga bayani. Salamat din sa mga pulis, military, civil society at sa maraming volunteer na nagpakita kung ano ang kahulugan ng pagmamahal sa bayan. (Manny Villar)