MERON man o walang nangyaring dayaan, kailangang magpaliwanag ng Smartmatic kung bakit binago ang script sa transparency server nito nang hindi ipinaalam o humingi ng permiso sa Commission on Elections (Comelec). Dahil dito, pinagdudahan ang integridad ng eleksiyon at ang resulta ng botohan, lalo na ngayong gitgitan ang laban nina CamSur Rep. Leni Robredo at Sen. Bongbong Marcos.

Mahigit sa 200,000 ang kalamangan (kung hindi ako nagkakamali) ni beautiful Leni sa anak ng diktador.

Kung totoo ang bintang na may dayaan (ayon sa Marcos camp), eh, bakit landslide victory ang natamo ni Mayor Rodrigo Duterte kontra sa dalawang malakas na karibal— sina Sen. Grace Poe at ex-DILG Sec. Mar Roxas— gayong pareho na VCM (vote counting machine) ang ginamit sa pagbilang ng mga boto? Aba, itanong natin iyan sa Smartmatic at kay Mang Andres (Comelec Chairman Andres Bautista) kung bakit kinalutkot pa ang script transparency server! Ano ang say mo, Atty. Romy Macalintal?

Maraming beterano at kilalang pulitiko ang natalo sa nakaraang halalan at meron ding mga kandidato na hindi aakalaing magwawagi, pero nagtagumpay. Kabilang sa natalo si ex-Parañaque Rep. Roilo Golez na matagal nang kongresista at naging National Security adviser pa. Maging si ex-Iloilo City Rep. Niel Tupas na naging chairman ng House committee on justice, na duminig sa impeachment case ni ex-SC chief justice Renato Corona (RIP), ay nilampaso ng kanyang kalaban sa pagka-governor ng lalawigan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Samantala, nakagugulat ang panalo ng kababayan kong si TESDAMan-- Joel Villanueva, anak ni Brother Eddie Villanueva ng Jesus is Lord (JIL) movement. Nanalo rin sa pamamagitan ng toss coin ang kapatid niyang si Joni Villanueva sa pagka-mayor sa Bocaue, Bulacan. Nagulat din ang taga-Bataan sa pagwawagi ni Geraldine Roman, kauna-unahang transgender, na magiging Congressperson. Tiyak matutuwa rito sina Boy Abunda at Dante Remoto ng Ladlad Party-List.

Tanong ng kaibigan kong senior-jogger: “Saang restroom pupunta si Geraldine?” Saan nga kaya?

Nag-aalok ng reconciliation at paghihilom ng sugat na likha ng matinding bangayan sa nakaraang halalan si presumptive president Rodrigo Roa Duterte (RRD). Patunay ito na sa kabila ng kanyang matabil, pangahas at matalas na dila, siya ay may pusong-mamon at ordinaryong tao lang din. Plano rin umano niyang kunin bilang mga miyembro ng Gabinete ang kababaihan.

Tamang hakbang ito, Mang Rody, dahil para na ring pagpaparangal mo ito sa iyong mahal na ina---si Soledad Duterte o Aleng Soleng na isang guro, at paghingi na rin ng paumanhin sa mga biro mo sa mga babae na hindi nagustuhan ng mga tao noon, lalo na iyong rape joke sa isang Australian missionary.

Tapos na ang May 9 elections. Kalimutan na natin ang ano mang damdamin noon at ngayon. Antabayan natin ang pangako ni President Rody na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay lilipulin niya ang illegal drugs sa ‘Pinas at patatabain ang mga isda sa dagat dahil sa mga bangkay ng mga kriminal, smuggler, rapist, at tiwaling opisyal ng gobyerno. Antabayan din natin kung si PNoy ay manliligaw na at mag-aasawa o siya’y makukulong din ‘tulad nina Pareng Erap at GMA! (Bert de Guzman)