IPINAGDIRIWANG ngayon ng Norway ang Constitution Day nito, na itinuturing na kanilang Pambansang Araw. Pinagtibay ng Norway ang konstitusyon nito noong Mayo 16, 1814, at nilagdaan kinabukasan, Mayo 17, na nagbigay-tuldok sa halos 100 taon ng koalisyon sa Sweden, na sinundan ng halos 400 taon ng pamumunong Danish.

Idinaos ng Norwegian Parliament na Stortinget ang unang selebrasyon ng Pambansang Araw noong Mayo 17, 1836. Sa mga Norwegian, ang okasyon ay tinatawag na Syttende Mai (Seventeenth May), Nasjonaldagen (National Day), o Grunnlovsdagen (Constitution Day).

Bagamat nakaugalian na sa maraming bansa ang magsagawa ng mga parada ng militar tuwing Pambansang Araw, kilala ang Constitution Day ng Norway sa pagparada ng mga bata, ang Barnetoget. Ang unang parada ay idinaos sa Oslo (tinatawag noon na Christiania) noong 1864. Sa mga panahong ito, mga batang lalaki lamang ang pinahihintulutang makibahagi.

Pagsapit ng 1899 ay pinayagan na ring lumahok sa parada ang mga batang babae.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May sariling parada ng mga bata ang bawat siyudad, bayan o komunidad sa umaga, at karamihan sa kanila ay nagdaraos din ng parada ng mamamayan, ang Folkeltog, pagsapit ng hapon. Sa parada ng mga bata, nagmamartsa ang mga brass band ng mga eskuwelahan sa harap ng mga estudyante, nagwawagayway ng maliliit na bandilang Norwegian, susundan ng bawat klase na nakasuot ng pinakamagagandang damit o ang kanilang pambansang kasuotan, ang bunad. Bagamat mayroong mga parada ng military, hindi ito ang pangunahing tampok sa selebrasyon. Ang parada ng Royal Guard ay idinadaos sa pangunahing lansangan ng Oslo. Ang mga Norwegian na estudyante sa high school ay may sarili nilang selebrasyon, ang Russefeiring.

Sa Oslo, ang kabisera ng Norway, ang parada ng mga bata ay nagtatapos sa Castle Square, Slottsplassen. Kumakaway sa madla ang Norwegian royal family, isang tradisyon na sinimulan noong 1906 nina King Haakon at Queen Maud. Ang mas pormal na bahagi ng selebrasyon ay kinabibilangan ng serbisyo sa simbahan at mga pagtatalumpati, habang nag-oorganisa naman ang mga lokal na komunidad ng mga larong pampamilya at iba pang aktibidad sa iba’t ibang dako ng bansa.

Ang Norway ay isang bansa sa hilagang Europa at matatagpuan sa kanluran at hilagang bahagi ng Scandinavian Peninsula, nasa timog-kanluran nito ang North Sea, ang Skagerrak inlet sa timog, ang North Atlantic Ocean (Norwegian Sea) sa kanluran, at ang Barents Sea sa hilaga-silangan.

Napanatili ng Pilipinas at ng Norway ang mainit nitong ugnayang pulitikal at pang-ekonomiya, gayundin ang sa mamamayan, simula noong Marso 2, 1948. Libu-libong Pilpino ang nakatira sa Norway na mabuti ang sitwasyon ng trabaho at nakatutok ang gobyerno sa mga pangangailangan ng mga dayuhang manggagawa.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Norway, sa pangunguna nina Kanilang Kamahalan, King Herald V at Queen Sonja, sa pagdiriwang nila ng Pambansang Araw.