Kinumpirma mismo ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na isang opisyal ng Smartmatic ang nagpalit ng “script” sa Transparency Server ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) noong gabi ng Mayo 9, kung kailan idinaos ang national at local elections sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni Bautista na minor change o kaunting pagbabago lamang ito at walang dayaang naganap.
Ayon kay Bautista, pinalitan lamang ni Smartmatic official Marlon Garcia ang script upang baguhin ang isang character sa pangalan ng isa sa mga kandidato. Sa halip kasi na "ñ" ay “?” ang nakalagay sa apelyido ng kandidatong si Napeña, kaya’t kinailangang palitan upang maitama.
Diin ni Bautista, ang pagpapalit ng script ay hindi makakaapekto sa resulta ng transparency server. "Ang sabi sa akin, wala itong magiging epekto sa source code na ginagamit ng ating sistema," aniya.
Pinulong na ng Comelec ang Smartmatic hinggil sa isyu at inamin ng kumpanya nagkaroon sila ng pagkukulang nang palitan ang script nang hindi ipinapabatid sa poll body.
Hiniling na rin ni Bautista sa Smartmatic na ipaliwanag ito, lalo na sa kampo ni vice presidential candidate Sen. Bongbong Marcos, na dikit ang laban kay Liberal Party(LP) bet, Camarines Sur Rep. Leni Robredo. (Mary Ann Santiago)