Pinayuhan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mahigpit niyang karibal sa pulitika na si Alfredo Lim na magretiro at kalimutan na ang pulitika kahit na nagpahayag ang kampo ng huli na magpoprotesta laban sa pagkapanalo ng incumbent.
“Mag-retire na lang siya,” sabi ni Estrada sa isang opisyal na pahayag na inilabas ng office of the mayor nitong Miyerkules.
Ito ang reaksiyon ni Estrada sa pahayag ng kampo ni Lim na pormal nilang kukuwestyunin ang resulta ng halalan noong Lunes na nagproklamang si Estrada ang nagwagi.
Noong Martes, iprinoklama ng City Board of Canvassers ang pagkapanalo ni Estrada sa mayoral race sa Manila matapos makakuha ng 283,149 boto, kumpara sa 280,464 boto ni Lim.
Manipis ang naging panalo ni Estrada sa 2,685 boto na namagitan sa kanila ni dating mayor Lim.
Si Lim ay naging mayor ng Manila mula 1992 hanggang 1998 at mula 2007 hanggang 2013.
“They chose me in 2013 as their Mayor. And they chose me again now to lead the Capital City for the next three years,” diin ni Estrada. (Jenny F. Manongdo)