KASAMA ba sa pagpapalit ng talent manager ang sinasabing ‘change is coming’ sa parte ni Robin Padilla?
Bago naghatinggabi noong Martes, nag-post si Binoe ng sulat mula sa Vidanes Celebrity Marketing. Naririto, kasunod ang paliwanag ng aktor:
Public announcement.
This is the official statement of Vidanes Marketing and Management Services to the general public. That as of Tuesday, May 10, 2016. We are no longer the exclusive management of team of Mr. Robin Padilla.
The management and Mr. Robin Padilla have officially parted ways.
“Ito po ay aking desisyon at sumusunod lamang po ang Vidanes Management. Napakalaki po ng naitulong sa akin ng opisina na ito lalo sa aking pamilya. Ang paghihiwalay na ito ay hindi personal at lalong hindi pulitika.”
Walang ibinigay na dahilan si Robin tungkol sa pag-alis niya sa kuwadra ng manager. Ilang mensahe ang ipinadala namin, at tumawag din kami kay Betchay Vidanes pero hindi kami sinasagot.
Tinanong namin ang asawa ni Robin na si Mariel Rodriguez tungkol sa isyu at ang sagot niya sa amin ay, “Hindi ko rin alam.”
Sabagay, eversince ay hindi nakikialam sa mga ganitong isyu si Mariel. At kung may alam man siya, hindi naman siya nagbibigay ng anumang pahayag.
Kinumusta namin kay Mariel si Robin pagkatapos niyang i-post ang mga dahilan kung bakit hindi ito puwedeng bumoto, “may commercial shoot ngayon,” aniya.
Sa madaling salita, tuloy ang trabaho ng aktor, walang nabago at hindi siya nagmumukmok kapag may kinakaharap na ganitong problema. (Reggee Bonoan)