BITBIT ng Iglesia ni Cristo (INC) si Congressman Sherwin Gatchalian sa labing dalawang tumatakbong senador.
Napakalaking bagay ito para kay Sherwin dahil kilala ang mga kasapi ng INC na iisa ang boto.
Eh, sa mga survey na lumabas na, pang 12-13 siya sa mga napupusuan ng mamamayan. Kaya, napakahalaga rin na sa Valenzuela na kanyang pinaglingkuran bilang alkalde at kongresista na makakuha siya ng malaking boto. Hindi manghihinayang ang kanyang mga kababayan, at ang mamamayan na rin sa buong kapuluan, kapag nahalal siyang senador dahil nasubok na siya bilang lingkod-bayan.
Sa buong panahon ng kampanya, pinagdiinan niya na kapag siya ang nanalo ay tututukan niya ang larangan ng edukasyon “Ang edukasyon,” aniya, “ay siyang instrumentong magagamit ng kabataan para makaahon sila sa kahirapan.
” Hindi naman siya galing sa mahirap na pamilya, na laging naririnig natin sa mga ibang kumakandidato sa hangad nilang makuha ang suporta ng mga dukha, pero dama niya ang kalagayan ng mahirap at alam niya ang paraan para malunasan ito.
Nang maupo siya bilang alkalde ng Valenzuela, ang una niyang ginawa ay pinarami ang eskuwelahan sa nasabing lungsod na ipinagpapatuloy naman ngayon ng kapatid niyang si Mayor Rex Gatchalian. Kahit anak ng mga manggagawa at mahirap ay nagkaroon na ng pagkakataong makapag-aral. Itinayo kasi ni Sherwin ang mga paaralan malapit sa kanilang tinitirahan.
Ang ipinangako ni Sherwin ang libreng edukasyon para sa ating mga kabataan. Iba iyong alkalde na nagpapairal ng proyekto, at mambabatas na isinasabatas ang proyekto. Kay Sherwin, wala itong pagkakaiba.
Sa senado, hindi kagaya ng mababang kapulungan ng Kongreso na binubuo ng maraming mambabatas, kakaunti ang mga kasapi nito. Kaya, sa paggawa ng batas at mga pagdinig na ginagawa ng iba’t ibang komite ng senado, makikita mo kung paano ginagampanan ng mga senador a kanilang tungkulin. Makikita mo kung sino ang nag-aral at may malalim na pinagkukunan lalo na kung nagpipingkian sila ng kani-kanilang katwiran.
Sa mga panayam ni Sherwin na naging alkalde, kongresista at kasalukuyang kandidato sa pagkasenador, kayang-kaya niyang makipagtagisan ng talino at katwiran. (Ric Valmonte)