HETO ang naging banta ni Sen. Antonio Trillanes IV kay Mayor Rodrigo Duterte: “Kapag nanalo kang pangulo, ipai-impeach kita. Pangungunahan ko ito.” Sagot naman ni Mayor Digong: “Ipasasara ko ang Kongreso kapag ipai-impeach nila ako. Si Trillanes ay ipadadala ko sa PMA para turuan ang mga estudyante kung papaano magkudeta.”
Ang ganitong mga pagbabanta ay nagsimula nang akusahan ni Trillanes si Mang Rody na may P211 milyon hindi idineklara si Mayor Digong sa kanyang SALN. Isiniwalat niyang bukod sa umano’y P2 bilyon deposito sa may 14 na iba’t ibang bangko, may 41 pa siyang ari-arian. Mariing itinanggi ng machong alkalde ang alegasyon ng dating Navy officer, at sinabing ito ay inimbento lamang nito.
Hinamon ni Trillanes na kung nagsasabi ng totoo si Mayor Digong, mag-isyu ito ng bank waiver upang buksan ang umano’y milyun-milyon (o bilyun-bilyon) pisong deposito sa BPI Branch sa Julia Vargas Ave., Ortigas. Handa raw siyang magbitiw bilang senador at umatras sa pagka-bise presidente kapag siya ay mali sa akusasyon laban kay Duterte.
Kung si Trillanes ay handang umatras, si Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo naman ay tuloy ang laban sa pagka-vice mayor ng Maynila kahit siya ay “inilaglag” ni ex-Mayor Fred Lim kapalit ni Ali Atienza, anak ni Buhay Rep. Lito Atienza. Nangako siya na tuloy ang kanyang laban sa Mayo 9 kahit “ibinasura” siya ni Lim pabor kay Atienza.
“Magpapatuloy ako sa paglilingkod sa mamamayan simula pa noong ako’y barangay kagawad, kapitan ng barangay, konsehal ng lungsod at ngayon ay bilang kongresista.” Bilang partidista, susundin niya ang kagustuhan ng mayorya ng mamamayan sa Maynila, at hindi aatras bilang LP vice mayoralty bet.
Sinabi pa niya na bilang partidista ay susundin niya ang mayorya ng mamamayan sa kanyang paglilingkod at hindi ng isang tao lamang (Lim) na pinaurong siya sa vice mayoralty race. Sa resulta ng Smart poll survey sa vice mayoralty race nitong Marso, siya ang nangunguna kaya nagtataka siya kung bakit “inilaglag” siya ni Lim.
Napaulat na pinaaatras siya ni Mayor Fred upang ang ipalit ay si Ali Atienza matapos magkasundo ang Lim-Atienza forces para pagtulungan si Mayor Erap Estrada na patalsikin bilang alkalde.
Sa ganitong situwasyon, mananatli siyang tapat sa partido at sa mamamayan ng lungsod na patuloy sa pagtangkilik sa kanya. Tiniyak niya ang pagkalinga sa senior citizens ng Maynila, bibigyan sila ng tig-P2,000 kada taon, magpapatayo ng City Colleges sa bawat distrito ng lungsod. Dalawang gusaling paaralan na ang kanyang naipagawa sa lungsod.
Magpapalagay si Asilo ng Women’s Office sa city hall para sa higit na ayuda at proteksiyon sa kababaihan, tututulan niya ang pagsasapribado ng mga public market, at itataguyod, susuportahan at pasisiglahin ang mga kooperatiba sa siyudad.
Kuntil-butil: Handa si Sen. Grace Poe na ipasilip ang kanyang bank accounts sa pamamagitan ng paglagda sa isang bank waiver. Tatanggap ng mid-year bonus ang 1.5 milyong kawani ng gobyerno sa buwang ito (Mayo) na nagkakahalaga ng P31 bilyon. Eh papaano naman ang P2, 000 SSS pension increase ng mga pensioner na ipinagkait ni PNoy? Yumao na si ex-SC chief justice Renato Corona, 67, kauna-unahang Chief Justice na na-impeach. Pakikidalamhati sa kanyang pamilya.
(Bert de Guzman)