ITO ba ay nakatutuwa o nakabubuwisit na balita? Pinahintulutan ng korte na makapagpiyansa ang umano’y pork barrel fund scam mastermind na si Janet Lim-Napoles. Pinayagan ding makapagpiyansa ang dalawang dating opisyal na nahaharap din sa kasong graft dahil sa pork barrel scam.

Santa Mesang pilay, ganito na ba talaga ang hustisya sa ating minamahal na bansa? Kahit na gaano katindi ang nagawa mong kasalanan ay puwede kang makapagpiyansa kung “pinagpapala” ka ng ilang diyus-diyosan?

Bukod kay Napoles, ang dalawang dating opisyal ay sina Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete at dating Association of the Philippines Electric Cooperative partylist Edgar Valdez.

Si Valdez ay pinagpiyansa ng P800,000 at si Lanete ay P1.7 milyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Milyun-milyon ang sinasabing naging kickback ng dalawang dating opisyal pero ang husgadong nagkaloob sa kanila ay tila hindi naniniwala. Pero iyan ang hustisya sa ‘Pinas. Kaya siguro nakapiring ang babaeng may hawak ng timbangan sa mga sala ng korte, dahil talagang bulag ang katarungan.

Sa ibang mga bilangguan ay nangabubulok ang maraming bilanggo na ang iba’y pagnanakaw lamang ng manok ang kasalanan.

Ang iba ay nakasuntok lamang ng pulis at ang iba’y nagnakaw lamang ng gulay dahil sa gutom. Pero nagsisihaba ang balbas sa loob ng kulungan dahil walang sapat na pera para makapagpiyansa.

Si Napoles at ang dalawang dating opisyal ay napagbintangang nag-magic ng milyun-milyon pero nakapagpiyansa at ang dalawang opisyal ay nakalaya na.

Sa bansang ito, para hindi ka magtagal sa bilangguan ay magnakaw ka ng limpak. Kapag malaki kasi ang ninakaw mo ay may pambayad ka sa abugado at “pang-aginaldo” sa husgadong lilitis sa iyo.

Mga ilang taon pa at lalaya na rin si Napoles. Alam na ni Napoles at ng mga abogado nito ang paraan at mga gagawin.

Baka nagpapalipas lamang ng oras bago tumiyempo.

Kapag nakalaya si Napoles, ewan na lamang kung mapipigil pa ng mga maykapangyarihan na maging magnanakaw na ang lahat. Sapagkat maaaring ikatwiran, pare-pareho na lang tayo.

At magiging problema iyan ni Duterte kung siya ang manalo! (ROD SALANDANAN)