ANG early childhood care (ECC) ay isa sa mga isyu na hindi nabibigyang pansin ng mga kasalukuyang kandidato. Isa itong malaking pagkukulang dahil binubuo ng mga batang sa edad 5-pababa ang 11.1% ng 92,097,978 household population sa ating bansa, base sa 2010 census.

Ano nga ba ang early childhood care at bakit ba ito mahalaga? Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang ECC ay susi sa ganap at produktibong buhay. Ito rin ay susi sa pag-unlad ng bayan. Ang ECC, ayon sa ahensiya, ay isang komprehensibong programa para sa mga batang na edad 0 hanggang 5. Saklaw din nito ang mga programa para sa kanilang mga magulang at caregiver. Ang ECC ay naglalayong proteksiyunan ang karapatan ng mga bata na makamtan ang kanilang cognitive, emotional, social, at physical na potensiyal. Salik ng mahusay na ECC ang mga community-based services na tutok sa pangangailangan ng bata, gaya ng kalusugan at nutrisyon, tubig at sanitasyon, at edukasyon.

May mga ilang batas na nagsusulong ng ECC sa ating bansa, gaya ng Republic Act 10410 o The Early Years Act (EYA) of 2013 na nagpalawig ng sakop na edad ng ECC mula 0 hanggang 8 taon. Nariyan din ang Executive Order No. 778 at 806 noong 2009 na nagtaguyod ng ECC Development Council at ang Republic Act 8980 noong 2000 na nagsulong ng komprehensibong polisiya at sistema para sa Early Childhood Care and Development. Ngunit kulang ang mga batas na ito upang tunay na makalinga ang mga bata, lalo na ang mga maralita. Kailangan ng aksiyon.

Ang ECC ay isang isyung hindi mainit at hindi pansinin ng media, kaya hindi kataka- taka na hindi rin dito nakatuon ang atensiyon ng mga kumakandidato o kahit pa mga kasalukuyang nakaupo sa puwesto. Hindi naman kasi makaboboto ang mga bata. Kay dami ng mga child-led groups ang nag-lobby upang maisama ang kapakanan at agenda ng mga bata sa kanilang plataporma, pero kaunti lang ang nagbibigay ng kanilang commitment na isulong ang kapakanan ng bata kapag sila ang nailuklok. Ito ang datos na sana’y dapat tingnan ng mga pulitiko: ang bilang ng mga batang wasted o kulang sa timbang ay tumaas pa mula 6.9% noong 2008 tungo sa 7.9% noong 2013. Sa sinapupunan pa lamang, dehado na rin ang kalusugan ng maraming mga bata. Ang dami ng nutritionally-at-risk pregnant women ay nasa 24.8% noong 2013, habang 12.5% naman ng mga lactating mothers ang under-nourished. Ang mga bilang na ito ay nakapanghihinayang dahil pagdating naman sa edukasyon, malaki ang tsansang magbago ang ating bayan.

Kapag napabayaan ang mga batang ito sa murang edad pa lamang, paano na lamang ang kanilang kinabukasan, at ang kinabukasan ng ating bayan? (Fr. Anton Pascual)