Isaiah Thomas, Adrianne Haslet

Cavs at Spurs, nagbabanta ng ‘sweep’; Celtics nakahirit.

BOSTON (AP) — Sa krusyal na sitwasyon, ang pinakamaliit na player sa Celtics ang may pinakamalaking puso para maisalba ang Boston sa tiyak na kapahamakan.

Pinatunayan ng 5-foot-9 (1.75 m) guard na si Isaiah Thomas na hindi lamang taas ang labanan sa basketball matapos gapiin ang mas malalaking karibal na bumantay sa kanya tungo sa pagtumpok ng career-high 42 puntos at sandigan ang Boston sa 111-103 panalo kontra Atlanta Hawks sa Game 3 ng kanilang Eastern Conference first round playoff nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nag-ambag si Evan Turner ng 17 puntos at pitong assist, habang kumana si Amir Johnson ng 15 puntos at pitong rebound para matapyas ng Celtics ang bentahe ng Hawks, 1-2, sa kanilang best-of-seven series.

Taliwas sa unang dalawang laro, mainit ang simula ng Celtics para maitarak ang double digit na bentahe, kabilang ang pinakamalaking abante na 20 puntos sa kaagahan ng second period.

Nakabawi ang Hawks at sa isang 12-0 run, nagawang maibaba ng Atlanta ang bentahe sa third period. Naging dikitan ang laban sa final period, ngunit may sapat na lakas ang Celtics, sa pangunguna ni Thomas, at mailayo ang bentahe tungo sa kauna-unahang panalo sa playoff mula noong 2014.

Nanguna si Jeff Teague sa Hawks sa nakubrang 23 puntos, habang kumana ng tig-20 puntos sina Kent Bazemore at Dennis Schroder.

Host muli ang Boston sa Game Four sa Linggo (Lunes sa Manila).

SPURS 96, GRIZZLIES 87

Sa Memphis, Tennessee, hataw si Kawhi Leonard sa natipang 32 puntos sa panalo ng San Antonio Spurs sa Grizzlies para sa dominanteng 3-0 abante sa kanilang Western Conference first round playoff.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Spurs para sa kanilang ikasiyam na postseason series sweep at ikatlong pagkakataon laban sa Memphis.

Nagsalansan si LaMarcus Aldridge ng 16 na puntos at 10 rebound, habang tumipa sina Danny Green at Manu Ginobili na may tig-11 puntos para sa San Antonio.

Nanguna si Zach Randolph sa Memphis na may 20 puntos at 11 rebound mula sa 6-of-21 shooting, habang kumubra si Matt Barnes ng 17 puntos at 11 rebound at naitarak ni Vince Carter ang 11 puntos.

Target ng Spurs na walisin ang Grizzlies sa Memphis sa paglarga ng Game 4 sa Linggo (Lunes sa Manila).

CAVS 101, PISTONS 91

Sa Auburn Hill, Michigan, walang paltos sa pagpuntos ang “Big Three” ng Cavaliers para maitarak ang 3-0 bentahe laban sa Detroit Pistons sa kanilang Eastern Conference first round playoff.

Ratsada si LeBron James sa 20 puntos at 13 rebound, habang kumana sina Kyrie Irving ng 26 na puntos at kumubra si Kevin Love ng 22 puntos para hilahin ang dominasyon sa Pistons.

Target ng Cavs na walisin ang serye sa pagpalo ng Game 4 sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Detroit.