PARANG walang natutunang leksiyon sina Pangulong Aquino at ex-DILG Sec. Mar Roxas sa nangyari noon kay ex-Pres.
Gloria Macapagal-Arroyo na dahil sa matinding galit ng mga mamamayan sa GMA administration dahil sa laganap na kurapsiyon sa loob ng siyam na taon, inihalal nila si Antonio Trillanes IV bilang “protest votes.” May ilang senador noon na mas kilala o kaya’y mga kandidato na higit ang kredensiyal kaysa nakapiit na si Trillanes, pero ibinoto pa rin siya ng taumbayan dahil sa galit kay GMA at sa kanyang mga alipores.
Ganito rin ang nangyari sa kaso ni Sen. Bongbong Marcos na kinaaasaran ni PNoy. Siya ngayon ang nangunguna sa survey ng Pulse Asia at Social Weather Station sa vice presidentiable race. Naungusan na niya si Sen. Chiz Escudero. Marami ang may sapantaha na ang pagsikad ng popularidad ni Bongbong ay bunsod ng walang puknat na pagbanat sa kanya ni PNoy dahil sa martial law regime ng amang si ex-Pres. Ferdinand Marcos.
Walang humpay sa paghagupit ang binatang Pangulo kay Sen. Bongbong sa pangangampanya para kina Roxas at CamSur Rep. Leni Robredo. Hinihikayat ang mga botante na huwag iboto si Bongbong dahil posible umanong muling magdeklara ng martial law. Gayunman, patuloy sa pag-usad ang ratings ni Bongbong na marahil ay dahil sa tinatawag na “protest votes” laban kay President Aquino.
Kayod-kalabaw si PNoy sa pangangampanya para kina Roxas at Robredo upang magwagi. Sumasama pa siya sa mga lalawigan upang himukin ang mga mamamayan na iboto ang kanyang dalawang “manok.” Si Roxas ay nananatiling kulelat subalit si beautiful Leni ay patuloy naman sa pag-angat sa survey. Maraming kababaihan ang nais kay Ms. Robredo kaysa kina Bongbong, Chiz at sa iba pa.
Halatang takot na takot si PNoy na manalo si Bongbong katulad ng pagkatakot niya sa posibleng tagumpay sinuman kina Binay at Duterte. Kapag nanalo si Binay o Duterte, may posibilidad na ang solterong Pangulo ay “maghimas” ng rehas na bakal tulad nina GMA at Pareng Erap.
Pagbaba ni PNoy sa puwesto sa Hunyo 30, tiyak na katakut-takot na kaso ang kanyang haharapin mula sa mga isyu ng PDAF at DAP hanggang sa Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 na SAF commando. Takot din siya sa tagumpay ni Bongbong dahil ang posisyon ng bise presidente ay isang “hinga” lang ang layo sa panguluhan.
By the way, dalawang senior citizen, este presidentiable, sina Binay at Duterte ang naghahamunan tungkol sa lagay ng kanilang kalusugan. Ayon kay Binay, may malalang sakit si Duterte. Tugon naman ng machong alkalde, si Binay ang may malubhang sakit dahil nanginginig ang mga kamay nito kapag nangangampanya. Baka raw Parkinson’s Disease o nanginginig dahil sa walang lubay na pagbibilang ng bilyu-bilyong pisong kinurakot sa bayan. Si Binay ay 73 anyos, samantalang si Duterte ay 71 anyos. (Bert de Guzman)