LUMILITAW na talaga ang katotohanan. At ito ay dahil isiniwalat ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto. Isang katotohanang naghahayag kung gaano kakupad ang administrasyong ito.
Ayon kay Recto, kinakailangang magpatayo na ng maraming silid-aralan ang Department of Education (DepEd). Bukod sa mga school building, dapat na ring mag-hire ang DepEd ng mga guro at bumili ng mga kakailanganing equipment para sa darating na pasukan. Ayon pa sa senador, kinakailangang samantalahin ng DepEd ang summer vacation para maging handa ito sa darating na pasukan.
Ikinalulungkot niya na sa kabila nang pagtanggap ng DepEd ng P2.16 bilyon noong 2014 na nakalaan para sa science at math kits ng mga Grade 1 hanggang Grade 3, ni isang piraso ay walang nabili ang naturang departamento. At ang totoo, sabi pa ni Recto, kalagitnaan na ng 2015 ay wala pa ring nabibili.
Nang sumunod na taon, P4 bilyon naman ang inilaan para sa Grade 4 hanggang Grade 6, ngunit umabot na ng Hulyo ay wala ring nabiling gamit para sa kanila.
Ganito rin umano ang nangyari sa pagkuha ng mga guro. Naglaan ang DepEd ng P9.35 bilyon para sa pagtanggap ng mga guro ngunit ni isang pilay na guro ay walang kinuha. Ang nangyaring ito sa mga guro ay nangyari rin sa mga kinakailangang silid-aralan. Sa 41,728 na classroom program para sa 2015, ni isa ay walang natapos para magamit.
Para sa kasalukuyang taon na pinaglaanan ng pondong P61.8 bilyon ay makagagawa na ang gobyerno ng 48,000 classroom pero may posibilidad pa rin na hindi ito maisagawa.
Ano ba ang talagang dahilan? Kakuparan ba ng DepEd o sadyang puro pangako lamang ang administrasyong ito pagdating sa edukasyon?
Sa kabila ng katotohanan at sitwasyong ito, bakit ipinagpipilitan ang pagpapatupad sa Kto12 program? Kung ngayon na wala ang kagaguhang iyan ay nagkakahetot-hetot ang DepEd, paano pang magtatagumpay ang Kto12 na sinasabing siyang magiging pamana ni Pangulong Aquino?
Anong klaseng pamana ito na dagdag gastos na ay dagdag pa sa panahon ng mga mag-aaral at mga magulang?
(Rod Salandanan)