NAKAKAHIYA! Iyan ang angkop na salita upang ilarawan ang ilan sa mga taxi driver ngayon. Sa kasalukuyan, halos lahat ng kabulastugan ng isang naghahanap-buhay ay nakakapit na sa ilang taxi driver. At dalawang nakalulungkot na pangyayari ang kinasangkutan ng ilang tiwaling driver.

Isa na rito ang mga taxi driver na hindi lamang nagsasakay at naghahatid ng pasahero. Marami-rami na ring pasahero ang biktima ng hold-up at iba pang pang-aabuso.

Kamakailan lamang, hinoldap umano ng isang taxi driver ang sarili niyang pasahero na isang freelance therapist.

Hindi lamang hinoldap ng demonyong taxi driver ang kanyang pasahero kundi binaril din nito sa mukha.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sumakay ‘di umano ang biktima sa taxi ng hudas na driver at pagdating sa isang liblib na lugar ay nagdeklara ng hold-up. Nang pumalag ang biktima ay binaril ito at tinangay ang iPhone 6 at pera at dali-daling iniwan. Mabuti na lamang at may nakakita sa biktima at nadala agad ito sa ospital.

May mga taxi driver din na laging may dalang tubong pamalo, samurai, balisong o baril na kanilang ginagamit para mangbiktima.

Kamakailan lang din, isang taxi driver naman ang hindi nahiyang “maglaro ng sarili” sa harap ng kanyang pasahero at maraming tao. Ang mga taxi driver bang ito ay maituturing pang tao o mga kampon na ni Satanas? Nasa tamang katinuan pa ba ang mga ito o talagang mga “basura na sa mundo”?

Hindi man maituturing na konklusiyon, malamang na ang mga taxi driver na ito ay nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot. Malamang na nakapag-shabu na at mga bangag. Kaya nga ang mga drogang iyan ay siya nang maituturing na kasangkapan ng masasama sa lipunan. At kung paanong masusugpo ang malalaking problema ng bansa sa kasalukuyan. Hindi ito masugpo ni Pangulong Aquino at ng kanyang “Tuwid na Daan”. Malamang kaysa hindi ay hindi rin ito masusugpo ng ibig niyang pumalit sa kanya. Para masugpo ito, kailangan natin ang isang pinunong may matigas na prinsipyo. Iyong handang maigawad ng parusa at handang mamatay at pumatay alang-alang sa ating bansa.

Hindi puwede rito ang isang pangulong may pusong mamon! (Rod Salandanan)