Kinumpirma ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na walang Pinoy ang kasama sa napipintong pagsalang sa bitay ng mga dayuhang convicted drug trafficker sa Indonesia ngayong 2016.

Tiwala si Edre Olalia, ng NUPL at abogado ng Pinay death row na si Mary Jane Veloso, na epektibo pa rin ang reprieve ni Veloso lalo na’t ipinursige ang mga kaso laban sa mga illegal recruiter nito sa Pilipinas.

Sa kabila ng napipintong pagtuloy sa bitay sa mga death convict dahil sa kaso ng ilegal na droga, hindi nabanggit si Veloso sa mga isasalang sa firing squad ngunit ikinalungkot ng NUPL ang ibang nakasama sa listahan.

Batay sa ulat ng media sa Indonesia, inihayag ni Attorney General Muhammad Prasetyo na 10 dayuhan ang isasalang sa execution ngayong 2016, kabilang ang apat na Nigerian, dalawang Malaysian, dalawang Amerikano, isang Zimbabwean, at isang Senegalese.

National

DOH, nagbabala tungkol sa 'Holiday Heart Syndrome'

Pansamantalang ipinagpaliban ng Indonesia ang pagbitay sa mga convicted drug trafficker noong 2014 matapos sumailalim sa execution ang 14 na iba pa, karamihan ay mga dayuhan sa layuning buhayin ang naghihingalong ekonomiya ng naturang bansa.

Matatandaan na inaresto ng Indonesian authorities si Veloso matapos makumpiskahan ng 2.6 kilo ng heroin sa paliparan ng nasabing bansa noong Abril 2010.

Noong Abril 28, 2015, ipinagpaliban ng Indonesian government ang execution ni Veloso makaraang sumuko sa awtoridad sa Pilipinas ang umano’y illegal recruiter nito na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao, na kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Nueva Ecija. - Bella Gamotea