LEGAZPI CITY – Muling umani ng parangal ang kahandaan ng Albay sa mga kalamidad, makaraang muling magkamit ng pagkilala ang lalawigan sa Gawad KALASAG (KAlamidad at Sakuna LAbanan, Sariling Galing ang Kaligtasan) Awards ng gobyerno.
Ayon kay Gov. Joey Salceda, lima na ngayon ang pagkilalang naipagkaloob sa probinsiya matapos na tatlo ang madagdag sa tagumpay ng lalawigan sa 2015 KALASAG Hall of Fame.
Ito ay makaraang kilalanin ang Legazpi City bilang Independent Component City; ang Barangay Oro Site sa Legazpi ay napabilang sa Barangay DRRM Committee (Urban); at pinarangalan din ang Simon of Cyrene, isang civil society organization sa bayan ng Daraga.
Taong 2011 nang unang magkamit ng Gawad KALASAG award ang probinsiya, na sinundan ng pagkakapanalo ng bayan ng Sto. Domingo noong 2013.
Ang Albay ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa KALASAG Awards Hall of Fame.
Ang Gawad KALASAG ay parangal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga natatanging inisyatibo at nagawa ng mga local government unit, institusyon, at mga grupo ng mamamayan sa larangan ng disaster risk reduction and management (DRRM) at humanitarian action.