Ni BELLA GAMOTEA

Posibleng umakyat sa ikalawang puwesto sa hanay ng mga vice presidentiable si Senator Alan Peter Cayetano dahil sa pag-endorso sa kanya ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nangunguna ngayon sa iba’t ibang survey, ayon sa isang political analyst.

Sinabi ng political analyst na si Mon Casiple na malaking puntos ang pagtaas sa survey ng isang presidential candidate dahil nahahatak din nito pataas ang popularidad ng katambal, gaya sa kaso ni Duterte na malakas ang hatak sa Visayas at Mindanao na nagawa ring iangat ang kandidatura ni Cayetano.

Tiwala naman si Duterte na kasabay niyang aangat sa mga susunod pang mga survey ang ka-tandem na senador.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Unang hinimok ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta na iboto si Cayetano dahil hindi lang ito magaling bilang mambabatas kundi puspusan din ang adbokasiya na tuldukan ang kurapsiyon, na siyang kailangan ng bansa.

Batay sa survey ng Manila Broadcasting Corporation noong Abril 2 sa 7,940 respondent, nakuha ng Duterte-Cayetano tandem ang Mindanao matapos umani si Cayetano ng 30.2 porsiyento sa rehiyon, kumpara sa 22 porsiyento ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay may 17.5%, at may 16% naman si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Nanguna rin si Cayetano sa Region 7, na kinabibilangan ng malalaking lalawigan ng Cebu, Bohol, at Siquijor matapos makasungkit ng 36.1%, na sinundan ni Escudero na may 22.4%, habang ikatlo si Robredo na may 18.1%, at panghuli si Marcos, 9.2%