Sa harap ng patuloy na pagdami ng krimen at extrajudicial killings na kinasasangkutan ng mga motorcycle rider, iminungkahi ni dating Senador Richard J. Gordon ang pag-iisyu ng mas malaking plate number, partikular sa mga motorsiklo.
Dahil sa pananambang kamakailan kay Calauan, Laguna Mayor Buenafrido Berris, na ikinamatay ng kasamang youth leader at tsuper ng alkalde, hinimok ni Gordon ang gobyerno na sikaping mabawasan ang krimen, lalo na ang extrajudicial targeted killings.
“Mayroon palaging patayan araw-araw—3,000 katao ang apektado ng riding-in-tandems. Napakasimple lang naman nito.
Pinapatay ang tao araw-araw, paano kung gumawa naman tayo ng mas malaking plate numbers, [para sa] mas mahuhusay na witnesses. Simulan natin ito sa motorcycles, at dapat i-require rin natin na naka-display ang body numbers. Puwede rin nating gawin ito sa iba pang mga sasakyan,” ani Gordon, na kandidato sa pagkasenador sa eleksiyon sa Mayo 9.
“Ganito kung paano dapat masolusyonan ito, labanan natin ang krimen. Magbabalik ako sa Senado para panagutin ang lahat ng ahensiya na hindi nagpapatupad ng batas. Gusto ko ring dagdagan pa ang budget para sa mas maayos na edukasyon,” anang dating Olongapo City mayor. (Beth Camia)