HINDI magandang tingnan na nag-iimbestiga pa lang ang gobyerno sa madugong pagbaklas sa kilos-protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan, Cotabato City ay sinabitan na kaagad ng medalya ang mga pulis na nasugatan sa insidenteng ito. Nakikisimpatiya ako sa mga nasaktan, lalo na iyong malubhang nasugatan, kaya lang nga napakaaga para parangalan sila. Para ano pa iyong imbestigasyon na ang layunin ay malaman ang katotohanan at kung sino ang responsable sa pangyayari?
Dalawang magsasaka ang nasawi at higit na marami ang nasugatan. Sa gobyernong hindi makaresponde, o kaya mabagal rumesponde, sa pangangailangan ng kanyang mamamayan, lalo na ang mga dukha, pangkaraniwan na lamang ang nangyaring ito sa Kidapawan. Ang malungkot, ang mga dukha ang naiipit at nagpapatayan tulad ng mga pulis at mga magsasaka.
Galit si Governor Emmylou Mendoza sa mga pulitikong nakisawsaw sa insidente. Kinondena kasi nina presidential candidate Grace Poe at VP Binay ang marahas na pagbuwag sa kilos-protesta ng mga magsasaka. Sabi ng Senadora, karapatan ng mga nag-rally na ipadama ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng paggugrupo-grupo. Tulad ng Senadora, binatikos ni VP Binay ang mabagal na pagkilos ng gobyerno para lapatan ng lunas ang reklamo ng mga magsasaka. Galit din ang gobernadora sa mga umano’y makakaliwa dahil ginagamit daw ang mga magsasaka sa kanilang pansariling agenda.
Kahit hindi ka pulitiko o makakaliwa, kukundenahin mo ang ginawa sa mga magsasaka. Karapatan nilang magreklamo at ipaabot ang kanilang problema sa gobyerno. Pantawid gutom ang kanilang hinihingi na kayang ibigay ng gobyerno. Tone-toneladang bigas ang nakaimbak sa provincial office ng National Food Authority. Bakit hindi ito ikinalat at ibinigay sa kanila?
Kasama sa mga nagprotesta ang mga lumad. Ito iyong mga puwersahang pinaalis ng gobyerno sa kanilang ancestral land dahil miminahin ito. Sila at ang kanilang mga kasamang magsasaka ay walang pagkukunan ng ikabubuhay sa panahong ito ng tagtuyot. Ang kanilang sakahan ay hindi na mataniman. Alam ng gobyerno ang kanilang kalagayan dahil ito nga ang nag-ulat na mahigit isang bilyong piso ang pininsalang sakahan sa kanilang lugar sanhi ng tagtuyot dulot ng El Niño.
Ayaw din naman ng mga magsasaka na mamatay na lang silang nakadilat sa gutom dahil alam nila na abot kamay ang remedyo sa kanilang problema. Kalabisan ang gamitan sila ng karahasan sa kanilang kaawa-awang kalagayan.
(Ric Valmonte)