GANYAN halos ang nilalaman ng isang panukalang-batas na inaprubahan ng bicameral conference committee sa Kongreso at Senado. Tinawag nila itong “Exact Change” bill na ang ibig sabihin pala ay muling pagbabalik ng tindahan, supermarket o mga mall sa mga mamimili nilang dapat suklian. Tama naman…
Nauuso kasi ngayon na kapag namili ka sa isang grocery store o supermarket, kapag ang sukli mo ay bente singko sentimos na lamang o singkuwenta sentimos, sa halip na suklian ka ng barya, ang isinusukli sa iyo ay isa o ilang pirasong kendi.
Kung tutuusin, maganda ang nasabing panukala. Ngunit, may malaki bang epekto sa mga mamamayan?
Sa kasalukuyan, dahil sa bagsak na ekonomiya natin, halos bumagsak na rin ang halaga ng ating salapi. Sa taas ng presyo ng mga bilihin ay ‘tila nagiging palamuti na lamang sa ating mga bulsa ang pera. Kung may P100 ka sa bulsa ay takot na takot kang mamasyal lalo na sa mga gilid ng bangketa sapagkat baka makasagi ka ng paninda at wala kang ipambayad.
Marami sa mga tindahan, maging sa mga probinsiya, ay ayaw nang tanggapin ang baryang bente singko. Kaya, mas praktikal nga siguro na sa halip na bente singko o singkuwenta sentimos ang isukli sa iyo, ay kendi na lamang. Dahil ang kendi, kapag iniabot sa iyo ng kahera ay puwede mo nang ipasok sa bunganga mo. Ang sensilyo, ibulsa mo man, ay nagiging basura lamang sa iyong lukbutan.
Hindi na praktikal ngayon ang pagkakaroon ng baryang bente singko sentimos. Sa mga pampasaherong dyip na lamang ginagamit iyan.
Ang dapat ay palakasin natin ang ating ekonomiya para mapalakas din ang halaga ng ating salapi.
Bago at pagkatapos ng ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil sa lakas ng ating ekonomiya, ay napakahalaga sa mga tao ng bawat sentimos. At ang barya noon ay pilak at hindi aluminyo. Ang sampera ay tanso kaya pinahahalagahan.
Ngayon, ang bente sentimos natin ay ‘sing halaga lamang ng isang pirasong kendi. (Rod Salandanan)