Maraming overseas Filipino worker (OFW) ang nagulat nang bumisita sa kanila sa Hong Kong ang tambalan nina Mar Roxas at Leni Robredo noong Linggo.
Hindi inakala ng mga OFW na bibisita ang mga pambato ni Pangulong Aquino.
“Akala namin ay wala silang pakialam sa mga OFW na tulad namin,” sabi ni Anita, isa sa mga nasorpresa sa pagbisita ng dalawa. “May umikot kasing balita sa social media dati na wala silang pakialam sa OFW. Paninira lang pala ito.”
Sinalubong ng libu-libong Pinoy ang tambalang Roxas-Robredo, na game na game na nakipag-selfie at nakipag-usap sa mga ito. Nakisalo pa sa meryenda ng ibang OFW sa kanilang tambayan tuwing day-off sina Roxas at Robredo.
Labis naman ang tuwa ng mga Pinoy sa Hong Kong at nagpalakpakan at naghiyawan sila nang salubungin ang dalawa.
Sabi ni Jo Campos, isang domestic worker doon: “Si Roxas lamang ang kandidato na tutuparin ang mga pangako niya.”
Ito ang unang beses na bumisita sa Hong Kong ang isang kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas, isang pagkilala sa dumadaming OFW doon. (Beth Camia)