NAIIBA subalit makabuluhan ang kapangyarihang ipinagkaloob ngayon sa mga Punong Barangay sa buong kapuluan. Maaari na nilang pangunahan ang panunumpa sa tungkulin o oath taking ng kahit na ng isang bagong halal na pangulo ng bansa; makapanunumpa rin sa kanila ang iba pang opisyal ng gobyerno at maging pribadong sektor.

Ang bagong karapatang ito ng mga barangay chairman ay itinatadhana ng RA 10755 na nilagdaan ni Pangulong Aquino at Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. bilang susog sa Section 41 ng Administrative Code of 1987 na nagbibigay ng naturang kapangyarihan sa halos kalahating milyong punong barangay sa bansa.

Hindi maaaring maliitin ang kahalagahan ng panunumpa sa tungkulin ng sinumang naaatasang mamuno sa pamahalaan at sa mga komunidad. Ang ganitong kapangyarihan, katulad ng pagbibigay-diin ni Kapitan Ed Juan, barangay chairman ng Baesa, Quezon City, ay maituturing na pagkilala sa kanilang kakayahan sa makatuturang pamamahala sa tungkulin.

Kailangang tiyakin ng nagpapasumpa sa tungkulin na ang sinumang susumpa ay may matapat na hangaring maglingkod; na sila ay laging nakayakap sa katotohanan at sa pamamatnubay ng Panginoon. Hindi ba ang lahat ng oath taking session ay may kabuntot na ‘So help me God’ at ‘Will tell the truth and nothing but the truth’?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa ilalim ng sinusugang batas, kabilang sa mga may karapatang magpasumpa ang presidente, bise presidente, mga miyembro ng Kongreso, mga miyembro ng Hudikatura, mga miyembro ng Gabinete, mga gobernador at bise gobernador, city at municipal mayors at iba pa.

Ngayon, ang mga manunumpa sa tungkulin ay may pagkakataon nang makapamili ng nais nilang manguna sa kanilang oath taking. Sa aking pagkakatanda, may pagkakataong manumpa ang isang House Speaker sa pinakabatang miyembro ng House of Representatives o sa tinatawag na ‘Benjamin of the House’.

Mismong si Presidente Aquino ang pumili ng magpapasumpa sa kanya nang mahalal bilang Pangulo ng bansa noong 2010 presidential polls. Sa halip na kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, tulad ng nakaugalian, si SC Associate Conchita Morales ang kanyang pinili. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na ng kasaysayan.

Ang dagdag na kapangyarihang ito ng mga punong barangay ay simbolo ng demokrasya na dapat maghari sa lipunan.

(Celo Lagmay)