‘Fountain of Youth’, natagpuan ni Pacquiao sa training camp.

LOS ANGELES, CA – Sa kabila ng determinasyon ni Manny Pacquiao na maipagpatuloy ang kanyang serbisyo publiko sa Senado, wala pang malinaw na pananaw ang eight-division world champion sa estado ng kanyang boxing career.

Para kay Buboy Fernandez, pinakamalapit na kaibigan ni Pacman, magkakaroon ng linaw ang lahat sa resulta ng laban kay American Timothy Bradley sa Sabado (Linggo sa Manila) sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Gayunman, siniguro ni Fernandez na handa ang People’s Champ sa laban at iginiit na masosopresa ang boxing fans sa kalidad ng porma ni Pacquio.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Sa lakas at bilis, parang 25 anyos lang si Manny (Pacman),” pahayag ni Fernandez, kasama ng kampeon magmula nang makipagsapalarn sila sa Manila mula sa kanilang lalawigan may tatlong dekada ang nakalilipas.

“Bumata si Manny sa training camp. At makikita nila ‘yan, pati na ang kampo ni Bradley kung paano kikilos si Manny pagdating ng laban,” aniya.

Halos maikukumpara ang kahandaan ni Pacman nang panahong sinalanta niya si boxing legend Oscar DeLa Hoya, sina Marco Antonio Barrera, at Miguel Cotto,” paniniguro ni Fernandez.

“Napakaganda ng naging kabuuan ng training camp dahil alam naming lahat, pati si Manny ang aming goal. Magbibigay siya ng performance na matagal nang hindi nakikita ng fans,” pagpapatuloy ni Fernandez.

“And to Manny’s credit, he did not disappoint us by following all our instructions to the letter,” aniya. “Nandyan ka naman halos sa simula ng camp sa GenSan (General Santos City) kung paano siya nag-ensayo. Halos 24/7.

“Not even once did he complain. Perfect talaga ang naging takbo ng camp.”

“That is the reason why one week pa lang before we leave for Las Vegas, Manny had already reached his peak, ready to fight,” sambit ni Fernandez.

“Kanina nga binawasan na namin ang ensayo pagkatapos ng sparring. Dalawang round na lang each sa bag, double end at speed ball.

“Mas mahirap pa ngang awatin si Manny sa ensayo. Alam naman natin ang work ethic niya. But we also have to avoid over-training him. Or suffer some kind of illness that might jeopardize lahat ng pinaghirapan naming,” aniya.

Nagsasagawa na lamang ng light workout ang grupo na nakatakdang tumulak patungo sa Las Vegas Lunes ng hapon (Martes sa Manila).

Iginiit ni Fernandez na siniguro nila na walang nakaligtaan ni katiting na detalye sa paghahanda ni Pacquiao sa pagtaas ng telon ng kanilang training camp.

“We, in the training team, prepared him for this fight to be his last and Manny will be atop that squared ring mixing it up as if there’s no tomorrow,” sambit ni Fernandez. (Eddie Alinea)