LALAGDA ang United States at ang China sa kasunduan laban sa climate change.
Kinumpirma ng dalawang bansa nitong Huwebes na lalagda sila sa climate change agreement na binuo sa Paris, France, sa seremonya sa New York sa Abril 22.
Sa pamamagitan nito, umaasa ang mga opisyal na masisimulan na ngayong taon ang pagsasakatuparan sa kasunduan.
Nagpalabas ng pinag-isang presidential statement ang dalawang pangunahing greenhouse gas emitter sa mundo upang himukin ang ibang bansa para lumagda sa kasunduan ngayong buwan “with a view to bringing the Paris Agreement into force as early as possible.”
Disyembre 12, 2015 nang binuo ng mga pinuno mula sa halos 200 bansa ang makasaysayang kasunduan upang bawasan, kung hindi man tuluyang matuldukan, ang pagdepende ng mundo sa fossil fuel sa pagpapasigla ng ekonomiya, matapos ang apat na taon ng masasalimuot na negosasyon.
Ngunit sa pagsasakatuparan sa Paris climate change agreement, kailangan ng kahit 55 bansang kakatawan sa 55 porsiyento ng pandaigdigang ibinubugang greenhouse gases upang masimulan na ang implementasyon nito.
Ayon kay Todd Stern, ang United States climate envoy na tumulong sa pagbuo sa kasunduan sa Paris, na ang agarang pormal na paglagda sa kasunduan ay tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa mga bansang pinakananganganib sa mga epekto ng climate change, kabilang na ang Pilipinas.
“The best thing that can happen for them is to get this agreement going and get it into force,” sabi ni Stern.
Nagbitiw na sa kanyang tungkulin si Stern bilang pangunahing climate negotiator ng Amerika. Opisyal na siyang pinalitan kahapon, Abril 1, ng dati niyang deputy na si Jonathan Pershing.
Una nang inihayag ni United Nations Secretary-General Ban Ki-moon na inaasahan niyang aabot sa 120 o higit pang mga bansa ang lalagda sa kasunduan sa seremonya sa Abril 22 sa headquarters ng United Nations sa New York.
Inaasahang si U.S. Secretary of State John Kerry ang lalagda sa kasunduan bilang kinatawan ng Amerika.
Dadalo rin si Indian Environment Minister Prakash Javadekar sa paglalagda sa kasunduan sa tanggapan ng United Nations, iniulat noong nakaraang linggo ng pahayagang Times of India.
Kinumpirma rin sa pinag-isang pahayag ng United States at China na ipagpapatuloy ng dalawang bansa ang pagtutulungan upang mapagtagumpayan ang epekto ng climate change.
Ayon sa China at United States, buong sigasig silang magtutulungan upang matiyak na maisasakatuparan ngayong taon ang pandaigdigang kasunduan upang masawata ang mga greenhouse gas emission. (Reuters)