MAKIKISUYO ang inyong “Señor Senador” sa ating mga mamamayan, lalong-lalo na sa mga tagapagtangkilik at nakakikilala sa aking kolum (kasama na ang Tempo at Manila Bulletin), na sa darating na eleksiyon sa Mayo 9, huwag kaligtaan isingit sa labindalawang puwang para sa pagkasenador si Jacel Kiram. Kung may mga kandidato (babae) na kayong napupusuang iboto, sana ibalato niyo na sa akin si Jacel na isang tunay na Prinsesa ng Katimugang Mindanao. Ang pagboto sa kanya ay pagpapakita na rin natin ng malaking utang-na-loob sa pamilya Kiram na nagpalawak sa teritoryo ng Pilipinas dahil sa Sabah. Ito’y kahit pa kinubkob ng Malaysia dahil sa kapalpakan ng mga nagdaang pamahalaan.
Naging tapat na Pilipino ang pamilya Kiram sa loob ng maraming dekada. Kahit pa inalok na bumaligtad bilang pabor sa Malaysia at magbuhay bilyonaryo ay pinili pa rin ng pamilyang ito na manindigan. Ang pamilya Kiram ay hindi nanggulo o nanggatong sa mga rebelde na ang totoong layunin ay basagin ang kabuuang tahanan ng ating Republika.
Sa totoo lang, nagkakagulo lang sa ilang bahagi ng bansa tuwing may dayuhang nagkakaroon ng interes sa mga lupain; mapa-Kastila, Amerikano, at ang kasalukuyan nga ay ang Malaysia. Kung tutuusin, ilang mga pangulo ang maaaring isakdal na humudas sa seguridad ng bansa at sa simulaing maibalik ang Sabah sa Pilipinas. Hindi na kataka-taka kung sinu-sino itong mga tukoy na pangulo na masyadong malapit sa Malaysia dahil limpak-limpak na dolyares (“lagay”) ang handang ipamudmod sa kampanya pa lang ng mga binabaeng kandidato, at sa dulo, mag-deposito sa bangko ng nagtraydor na pangulo. Kung boboto rin lang kayo ng babae na abogado, may ibang mga kandidatong “balik-senado”, abogado rin at panalunin.
Habang kung ang kandidatang nakatutok umano sa gamot at kalusugan. Naku, kumita na yan! Kahit sinong pulitikong tutulug-tulog basta manalo, kayang ipatupad ang nasabing programa.
Ang ipinaglalaban ni Jacel Kiram, hindi niya solong babakahin, bagkus dapat panindigan din ng bawa’t Pilipino. Utang natin sa ating budhi, sa ating pagka-makabayan, na ipakalat ang pakahulugan ng laban na ito, upang masimulan nating maipanalo ang Sabah. Iparamdam sa Malaysia na may paninindigan tayong Pilipino, at di na pagogoyo sa kanila.
(Erik Espina)