Kobe Bryant

Huling laro ni Kobe Bryant sa Utah, pinakamasakit sa kasaysayan ng Lakers.

SALT LAKE CITY (AP) — Masaya ang pagsalubong na ibinigay ng crowd para sa huling pagbisita ni Kobe Bryant. Sa paglisan ng five-time NBA champion sa Vivint Smart Home Arena, higit ang pagdiriwang ng Jazz.

Hataw si Rodney Hood sa 30 puntos para sandigan ang Jazz sa makasaysayang 123-75 panalo sa Lakers nitong Lunes (Martes sa Manila) at patatagin ang kampanya sa Western Conference playoff.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Ang 48 puntos na bentahe ng Utah ang pinakamasaklap na kabiguan sa kasaysayan ng Lakers. Natikman ng Lakers ang 142-94 kabiguan sa Los Angeles Clippers noong Marso 7, 2014, ngunit wala si Bryant nang panahong iyon dahil sa injury.

Determinado ang Jazz na nakikipagpalaban para sa huling slot sa West. Sa kasalukuyan, abante sila ng isang laro laban sa Houston Rockets para sa No. 7 slot.

Sa pangunguna ni Hood, kaagad na naiwan ng Jazz ang Lakers sa 17-2 sa pagtatapos ng halftime. Mayroon nang 30 puntos ang second year guard tampok ang walong three-pointer.

Nag-ambag sina Shelvin Mack at Trevor Booker ng tig-17 puntos para sa Jazz.

Tanging si Lou Williams ang umiskor ng double digit sa Lakers na 16 na puntos.

MAVS 97, NUGGETS 88

Sa Denver, natuldukan ng Dallas Mavericks ang three-game skid sa panalo laban sa Nuggets.

Pinangunahan ni reserve guard J.J. Barea ang hataw ng Mavs sa natipang 18 puntos at 11 assist, habang kumana si Dwight Powell ng 16 na puntos para buhayin ang sisinghap-singhap na kampanya na makahirit ng playoff sa Western Conference.

Sa panalo, nakatabla ng Dallas ang Houston para sa No.8 spot.

Naglaro ang Mavericks na wala sina Chandler Parsons (kanang tuhod), at Deron Williams (abdominal strain), ngunit, pitong Mavs ang umiskor ng double digit.

WOLVES 121, SUNS 116

Sa Minneapolis, pinadilim ng Timberwolves, sa pangunguna nina Andrew Wiggins na may 32 puntos at Karl-Anthony Towns na tumipa ng 27 puntos at 10 board, ang Phoenix Suns.

Nanguna si Devin Booker sa Suns sa natipang 30 puntos, tampok ang 12 sa final period kung saan nakagawa ng malaking paghahabol ang Suns mula sa double digit na bentahe.

SPURS 101, GRIZZLIES 87

Sa Memphis, Tennessee, naglaro na kapwa kulang sa player ang San Antonio Spurs at Memphis Grizzlies. Ngunit, nakaarya ang Spurs dahil kay LaMarcus Aldridge.

Nagsalansan si Aldridge ng 31 puntos at 13 rebound para pagbidahan ang Spurs na sumabak sa laban na wala ang starting player na sina Tim Duncan, Tony Parker at Manu Ginobili na pawang binigyan ng day off ni coach Greg Popovich.

“I was just out there playing. This system is not really made for guys to take over,” pahayag ni Aldridge.

Nag-ambag si Patty Mills ng 17 puntos sa Spurs, habang kumana si Kyle Anderson ng 13 puntos, pitong assist at apat na steal, habang kumubra si Boris Diaw ng 13 puntos.

Hindi naman nakalaro sa Memphis sina star player Mike Conley, Marc Gasol at Zach Randolph. Nanguna sa Grizzlies si Vince Carter na may 14 puntos, habang humugot si JaMychal Green ng 12 puntos.

THUNDER 119, RAPTORS 100

Sa Toronto, naitala ni Russell Westbrook ang ika-16 na triple-double ngayong season -- 26 puntos, 12 assist at 11 rebound – sa panalo ng Oklahoma CityThunder kontra Raptors.

Ratsada rin si Kevin Durant sa 34 na puntos.

Sa buong buwan ng Marso, pitong triple-double ang nagawa ni Westbrook, pinakamarami mula nang makagawa si Michael Jordan ng pito noong April, 1989. Naitala naman niya ang pinakamaraming triple-double sa NBA mula nang makagawa si Magic Johnson ng 17 noong 1988-89.

Nabalewala ang 19 na puntos ni DeMar DeRozan sa Raptors, gayundin ang 18 puntos ni Norman Powell.

BLAZERS 105, KINGS 93

Sa Portland, Oregon, sinilaban ng Trail Blazers, sa pangunguna ni reserve Allen Crabbe na may 21 puntos, ang Sacramento Kings.

Nag-ambag si CJ McCollum ng 16 na puntos, habang tumipa si Damian Lillard ng 13 puntos at siyam na assist, para patatagin ng Portland ang No.6 spot sa Western Conference.

Nanguna sa Kings si Seth Curry sa natipang career-high 21 puntos, habang umiskor si Omri Casspi ng 18 puntos.