GENERAL TRIAS CITY, Cavite – Nasawi nitong Linggo ng gabi ang isang mag-asawa at anak nilang batang babae habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan sa karambola ng truck, tricycle, at motorsiklo, sa Crisanto Mendoza de los Reyes Avenue sa Barangay Javalera sa siyudad na ito, iniulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni PO3 Ramil V. Remotin, ng General Trias City, ang mga nasawi na sina Gilbert Batitis Patam, 40; Ofelia Patam, 42, at anak nilang si Bea Crissel Patam, 8, mag-aaral sa grade school.

Sugatan naman sina Noralyn Cabading Elagado, 21, factory worker at kaanak ng mga Patam; Ramon Deramon De la Cruz, 34, security guard; at mga kamag-anak ng huli na sina Girlie Llera De la Cruz, 30; at Margaret Shane Agao Llera, pitong taong gulang.

Magkakasunod na namatay ang mag-anak habang ginagamot sa Gen. Trias Doctors Hospital and Gen. Trias Medical Center.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ginagamot din sa nabanggit na ospital si Noralyn, samantala sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City ginagamot sina Ramon, Girlie, at Margaret.

Si Gilbert ang driver ng tricycle (XT 4467) at pasahero niya ang tatlong kaanak, habang si Ramon naman ang nagmaneho sa motorsiklo (BD 74117) angkas sina Girlie at Margaret.

Parehong sinalpok ng Grandbird brand truck (WOY 234) ang motorsiklo at tricycle, dakong 6:30 ng gabi nitong Linggo.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng truck na si Ronilo Almazor Bautista, 42, ng Bgy. Panungyanan, Gen. Trias, at kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious physical injuries at damage to property. (ANTHONY GIRON)