Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na ipatutupad nila ang lahat ng kinakailangang safeguard para matiyak na magkakaroon ng malinis at tapat na halalan sa bansa.

Ang pahayag ni Bautista ay kasunod ng pag-hack ng grupong Anonymous Philippines sa website ng poll body nitong Linggo ng gabi.

Pinalitan ng grupo ang nilalaman ng website ng Comelec ng kanilang mensahe, at may banta na puspusang babantayan ng grupo ang halalan.

Sa mensahe ng Anonymous Philippines, kinuwestiyon nito ang magiging kahihinatnan ng eleksiyon sa Mayo 9 dahil ngayon pa lang, anila, ay puno na ng kontrobersiya at katanungan ang proseso.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hiniling din nito sa poll body na ipatupad ang lahat ng security features sa mga makinang gagamitin sa eleksiyon.

Bilang tugon, sinabi naman ni Bautista na lahat ng kinakailangang security features ng mga makina, alinsunod sa batas, ay ipatutupad ng Comelec.

Isa pang hacker, na nagpakilala namang Lulzsec Philippines, ang nagsabing nagawa nilang nakawan ng mga impormasyon ang database ng Comelec.

Sa kanilang Facebook page, sinabi ng grupo na 360 gigabyte ang nakuha nila sa database ng Comelec ngunit kukumpirmahin pa umano ito ng poll body.

Kaagad namang inaksiyunan at inayos ng Information and Technology (IT) department ng Comelec ang na-hack na website.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, dakong 3:15 ng umaga nang ma-back up ng komisyon ang website.

Tiniyak naman ni Jimenez na ang na-hack na website ng Comelec ay iba sa mas ligtas na public website na gagamitin nila sa eleksiyon.

“Comelec will use a separate and more secure website for Halalan2016 results reporting,” aniya.

Gayunman, aminado si Bautista na hindi sila nakatitiyak kung hindi na muli pang mapapasok ng hackers ang kanilang website, dahil ang kahit pinakamalalakas na bansa at pinakamalalaking organisasyon ay naha-hack. (MARY ANN SANTIAGO)