OKLAHOMA CITY (AP) — Naitala ni Russell Westbrook ang ika-15 triple-double ngayong season -- 21 puntos, 15 assist at 13 rebound –matapos pangunahan ang Thunder kontra Houston Rockets, 111-107, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Sa kabuuan, nailista ni Westbrook ang ika-34 career triple-double, pinakamarami sa kasaysayan ng NBA mula nang magawa ni Majic Johnson (17) at Michael Jordan (15) noong 1988-89 season.
Hataw din si Kevin Durant sa na 23 puntos, habang tumipa si Dion Waiters ng 17 puntos para sa ikalimang sunod na panalo ng Thunder.
Nanguna si James Harden sa Rockets sa 24 puntos, career-high 16 assist at pitong rebound, habang kumana si Dwight Howard ng 16 na puntos at 13 rebound.
HEAT 113, PELICANS 99
Sa New Orleans, ratsada si Hassan Whiteside sa nakubrang 24 na puntos, 14 na rebound at tatlong blocked shot sa panalo ng Miami Heat kontra Pelicans.
Kumubra si Dwyane Wade ng 25 puntos at nagsalansan si Goran Dragic ng 21 puntos sa Heat, nagwagi sa ikasiyam sa 12 laro para mapatatag sa No.3 sa Eastern Conference playoff.
Nagposte si Jrue Holiday ng 24 puntos para sa New Orleans, habang umiskor ng season-high 23 puntos si Luke Babbitt.
HORNETS 105, NETS 100
sa New York, ginapi ng Charlotte Hornets, sa pangunguna ni Nicolas Batum na may 23 puntos, ang Brooklyn Nets.
Nag-ambag si Jeremy Lin ng 21 puntos matapos ang kabayanihan sa panalo kontra sa San Antonio Spurs sa nakalipas na laro.
Nanguna si Brook Lopez sa Nets sa 29 puntos, siyam na rebound at season-high anim na assist, habang kumana si Sean Kilpatrick ng career-high 25 puntos.