MINNEAPOLIS (AP) — Muling nanlamig sa outside shooting si reigning MVP Stephen Curry, ngunit walang dapat ipagamba, hanggang may nalalabing tapang kay Draymond Green at kumokonekta si Klay Thompson.

Nagsalansan si Green ng 24 puntos, siyam na rebound at anim na assist, habang tumipa si Thompson ng 17 puntos, tampok ang 5-of-5 sa 3-pointer, para maisalba ang Golden State Warriors, 109-104, kontra sa mabangis na Minnesota TimberWolves, Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

Sablay ang shooting ni Curry, nangungunang 3-point shooter sa liga, sa 11-of-17 shots, kabilang ang 7-of-9 sa 3-point area, ngunit nakakubra pa rin siya ng 19 puntos, 11 assist at pitong rebound para sa Warriors (63-7) na nakaiwas sa posibleng magkasunod na kabiguan ngayong season.

Naglaro ang Warriors galing sa kabiguan, 79-87, laban sa San Antonio Spurs.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We got the win, and it proves we can win ugly, or if we have to win by a large margin we can,” sambit ni Thompson.

Nanguna sa Wolves si rookie forward Karl-Anthony Towns na may 24 puntos at 11 rebound, habang kumubra si Ricky Rubio ng 20 puntos, 11 assist at apat na rebound para sa Wolves (22-48).

Huling natikman ng Warriors ang magkasunod na kabiguan sa regular season noong Abril, sa panahong wala pa sa kanilang pananaw ang playoff at ang paghahabol sa kasaysayan na kasalukuyang hawak ng Chicago Bulls na 72 panalo noong 1995-96 season.

CAVS 124, NUGGETS 91

Sa Cleveland, hataw si LeBron James sa naiskor na 33 puntos, 11 rebound at 11 assist para sa ika-41 career triple-double at sandigan ang Cavaliers kontra Denver Nuggets.

Kumubra si J.R. Smith ng 15 puntos at tumipa si Channing Frye ng 14 para sa ika-50 panalo ng Cleveland sa regular season at angkin ang division title sa Eastern Conference.

HORNETS 91, SPURS 88

Sa Charlotte, natusok ng Hornets, sa pangunguna ni Jeremy Lin na kumana ng 29 puntos, ang matikas na San Antonio Spurs.

Hataw din sina Courtney Lee sa naiskor na 17 puntos, Nicolas Batum na may 15 puntos at kumubra si Cody Zeller ng 14 rebound para tuldukan ang six-game winning streak ng Spurs.

Nanguna si Tony Parker sa Spurs sa natipang 19 puntos, habang humugot ng 18 puntos at 12 rebound si LaMarcus Aldridge. Tumipa si Tim Duncan ng 16 puntos at 10 rebound.

CELTS 107, MAGIC 96

Sa Boston, ratsada si Isaiah Thomas sa naiskor na 28 puntos at pitong assist sa panalo ng Celtics kontra Orlando Magic.

N ag-ambag si Avery Bradley ng 22 puntos at siyam na rebound at may nakubrang 22 puntos si Kelly Olynyk para maputol ang four-game skid ng Boston.

Sa iba pang laro, ginapi ng Chicago Bulls ang sacramento Kings, 109-102; pinatatag ng Washington Wizards ang kampanya sa No. 8 spot sa playoff ng Eastern Conference nang pabagsakin ang Atlanta Hawks, 117-102.