Vice at ang kanyang buong pamilya copy

SINAMANTALA ni Vice Ganda ang mahabang bakasyon ngayong Semana Santa para madalaw at sorpresahin na rin ang kanyang ina na matagal nang nagtatrabaho sa Amerika at padalaw-dalaw lang sa Pilipinas.

Madalas ikuwento ni Vice na kung ilang beses na niyang sinasabihan na manatili na lamang sa Pilipinas ang mama niya, at siya na ang bahala, pero hindi pa rin nagpapigil mag-work si Mader kahit may sarili na siyang bahay rito.

Hindi makakauwi ng bansa ang mother dear ni Vice kaya sa halip ay isinama niya ang kanyang mga kapatid, pamangkin, at mga kaibigan patungong Los Angeles, USA para sila naman ang dumalaw.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Tiyempong Palm Sunday ang dating ni Vice at sabi ang niya sa kanyang post, “Linggo ng Palaspas 1991 nang pumanaw ang Tatay ko. Nalagasan ng isang malaking bahagi ang pamilya namin.

“’Yun ang simula ng unti-unting pagkakawatak ng aming pamilya. Sa kahirapan ng buhay napilitan ang Nanay ko na makipagsapalaran sa Amerika para mabuhay kami.

“Sa kawalan ng presensya ng magulang sa bahay nagkanya-kanya kaming magkakapatid. Magkakasama sa isang bubong pero kanya-kanya. Magkakapiling pero magkakahiwalay. Bilang pinakabata damang-dama ko ang hirap at lungkot ng pangungulila. Habang nahuhubog ang pagkatao ko unti-unti rin nahuhubog sa isip at puso ko ang paghahangad na balang araw ako mismo ang gagawa ng hakbang para muling mabuo ang pamilya ko.

“Nagtrabaho ako. Hinusayan ko nang husto para makaipon para sa anumang pagkakataon ay makakaya kong muling pagsama-samahin ang nagkahiwalay kong pamilya.

“Ngayon matapos ang dalawampu’t anim na taon Linggo ng Palaspas hindi ko hahayaang ‘di kumpleto at di magkakasama ang natitirang pinakamahahalagang tao sa buhay ko.

“Kaya inilipad ko ang mga kapatid at pamangkin ko kasama ang mga pinakamalapit kong kaibigan sa Amerika para sorpresahin ang Nanay ko.

“Ngayon magkakayakap muli ang buong pamilya ko. Masaya ako sa kasikatang meron ako. Sa mga tropeo at pagkilalang natatanggap ko. Pero ito ang TAGUMPAY na totoong hinahangad ko. Di ‘to malalaos. Di kaylanman maluluma. Success is not when you hold a trophy but that moment when you hug your family.”

Touching ang eksena nang magkita sina Vice, mga kapatid at pamangkin at ang mama niya dahil wala itong kaalam-alam na dadalaw sila. (REGGEE BONOAN)