HINDI ko alam kung ako ay nanaginip lamang, subalit ang napanood kong ikalawang presidential debate sa Cebu noong Linggo ay mistulang away-kalye at may malabnaw na paggalang sa isa’t isa. Ang mga kandidato sa pagkapangulo ay nagpatutsadahan, nanggalaiti at ‘tila magbabanatan.

Hindi na natin dapat busisiin ang masasalimuot na isyu na walang kawawaan nilang ipinagsigawan. Sapat nang sabihin na isang malaking kabalintunaan ang naturang nakadidismayang presidential debate, sapagkat ito ay isinabay pa sa pagsisimula ng Semana Santa; sa pagpasok ni Hesukristo sa Herusalem na sumasagisag sa Kanyang pagiging mapagpakumbaba na dapat sanang pamarisan ng Sangkatauhan. Ang naturang eksena ay sapat na rin upang magkaroon ng political ceasefire, hindi lamang ang presidential bets at ang lahat ng kandidato, kundi higit sa lahat, ang mga Kristiyano.

Higit kailanman, ngayong Semana Santa natin dapat paigtingin ang tunay na diwa ng pagkakasundu-sundo at pagkakaroon ng habag at malasakit sa kapwa. Kaakibat ito ng pagsasakripisyo, pagsisisi at pagpapatawad bilang bahagi ng ating pagninilay sa mga aral ng ating Panginoon. Ang ating pagtitika ay hindi dapat mabahiran ng kakaibang pagsasakripisyo na tulad ng pagpepenitensiya at pagpapapako sa krus. Ipaubaya natin ito sa ating mga kapatid na Kristiyano na malaon nang nakayakap sa gayong paniniwala na mistulang pagtulad sa mga pagpapakasakit na dinanas ng Diyos.

Kasabay nito, kailangang iwasan ng mga kandidato ang walang pakundangang paghahagisan ng nakaaalibadbad na pagtuligsa. Sa halip, marapat na repasuhin nila ang kani-kanilang plataporma at tiyakin na ang mga ito ay makapagpapabuti sa kapakanan ng mga mamamayan. Tiyakin nila na hindi magbabago ang paniniwala ng sambayanan na sila ay may matapat na hangarin sa paglilingkod.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isinusuka ng taumbayan ang mga platapormang produkto lamang ng mga imahinasyon; mga pangako na malayong maisakatuparan, tulad na lagi nilang binibigyang-diin sa mga presidential debate at sa provincial sorties. Bantad na ang sambayanan sa ganitong hungkag na mga pangako at kasinungalingan. Ang malaking sektor ng mga mamamayan ay higit na matalino kaysa sa maraming kandidato. Alam nila kung sino ang tiwali, pinagbibintangang kriminal, walang muwang sa tungkulin at kinakasangkapan lamang ng ipinangangalandakang matuwid na pamamahala. (Celo Lagmay)