SI dating Pangulong Fidel V. Ramos, na mas kilala sa tawag na FVR, ay 88 taong gulang na ngayon, Marso 18, 2016. Nahalal noong Mayo 11, 1992 bilang ika-12 Presidente ng Pilipinas, maaalala ang kanyang administrasyon sa muling pagpapasigla sa ekonomiya, at pagbuhos ng lokal at dayuhang pamumuhunan. Isinulong niya ang pagbibigay-kapangyarihan sa publiko at pandaigdigang kahusayan, sa pamamagitan ng kanyang mga pangunahing programa na Social Reform Agenda at Philippines 2000.

Pinangunahan niya ang 8th APEC Leaders’ Summit na sa unang pagkakataon ay idinaos sa Pilipinas noong Nobyembre 24-25, 1996. Dito at sa ibang bansa, kinikilala siya bilang isa sa “bayani ng EDSA” dahil sa kanyang ginampanan sa makasaysayang People Power Revolt noong Pebrero 22-25, 1986.

Nananatiling aktibo si FVR sa mga pagtitipon dito at sa ibang bansa; nagtatalumpati siya tungkol sa pulitika at pamamahala sa iba’t ibang forum, at kinokonsulta ng maraming sektor para sa kanyang mga payo. Siya ang chairman ng Boao Forum for Asia, co-chairman ng Global Meeting of the Emerging Markets Forum, at kasapi ng Global Leadership Foundation. Itinatag niya ang Ramos Foundation for Peace and Development, isang non-partisan organization na nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa Asya-Pasipiko.

Sumulat siya ng mga libro tungkol sa pagpapaunlad ng bansa, demokrasya, pagkamamamayan, at responsibilidad na sibil, kabilang ang “Wonder of Words”, “The Timeless Quotes of Fidel V. Ramos”, “Contemporaries, Best Practices, Teamwork in National Building”, “The Continuing Revolution”, “Meeting the Challenges of Development and Poverty Reduction”, at “Time for Takeoff: The Philippines is Ready for Competitive Performance in Asia-Pacific”.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Umani rin ng maraming parangal si FVR bilang opisyal ng militar. Bayani siya ng Battle of Hill Eerie sa Korean War, at commanding officer ng Philippine Civic Action Group noong Vietnam War. Bago naihalal na presidente, naglingkod siya sa Gabinete ni Pangulong Corazon C. Aquino bilang Armed Forces chief of staff, at kalaunan ay naging kalihim ng National Defense mula 1986 hanggang 1991. Pinamunuan niya ang Philippine Constabulary at ang Integrated National Police noong panahon ng batas militar.

Kabilang sa kanyang mga tinanggap na military award ang: Philippine Legion of Honor, Distinguished Conduct Star, Philippine Military Merit Medal, United States Legion of Merit, French Legion of Honor, United Nations Service Medal, at United States Distinguished Graduate Award. Siya lang din ang nag-iisang Pilipino na tumanggap ng honorary British Knighthood, ang Knight Grand Cross of the Most Distinguished Order of St. Michael and St. George, mula kay Queen Elizabeth II noong 1995 dahil sa kanyang paglilingkod sa pulitika at gobyerno. Ginawaran din siya ng 1997 UNESCO Peace Award, ang una para sa isang Asyano.

Nagtapos siya mula sa United States Military Academy sa West Point noong 1950, at natamo ang kanyang master’s degree sa Civil Engineering mula sa University of Illinois noong 1951. Isa siyang lisensiyadong civil engineer sa Pilipinas, nasa ikawalong puwesto sa mga nanguna ng board examination noong 1953. Mayroon din siyang master’s degree sa National Security Administration mula sa National Defense College of the Philippines at isang master’s degree in Business Administration mula sa Ateneo de Manila University. Tumanggap siya ng 28 honorary doctorate mula sa mga dayuhang educational institution. Maybahay niya ang guro at environmentalist na si Amelita “Ming” Martinez-Ramos.