Marso 13, 1884 nang simulan ni Muhammad Ahmad (o al-Mahdi, “redeemer ng Islam”) at kanyang mga tagasunod ang “Khartoum Siege” sa Khartoum, Sudan. Ito ay nauwi sa labanan sa pagitan ng tropang Egyptian, sa pamumuno ni British General Charles George Gordon, at ng puwersang Sudanese ni al-Mahdi. Simula 1882, nakaantabay na ang mga sundalong British sa Egypt upang protektahan ang British affairs.
Bago ang labanan, kinubkob ng puwersang Mahdist ang malalaking bahagi ng Sudan, katulad ng Darfur at Kordofan.
Inakala ni Gordon na kailangan nilang talunin ang mga Mahdist upang hindi masakop ng huli ang Egypt. Pinasok ni Gordon ang Khartoum noong Pebrero 18, 1884, at hinangad na mapamunuan ang lungsod.
Gayunman, nagtalaga ang gobyernong British ng relief force para kay Gordon noong Agosto 1884, sa utos ni Queen Victoria at ng mamamayang British.
Enero 26, 1885 nang matalo ng mga Mahdists ang mga Egyptian, at sa wakas ay inokupahan ang Khartoum.