Capadocia, winalis ang RP member; Nationals, kampeon sa PNG.
LINGAYEN, Pangasinan — Isinantabi ni Marian Jade Capadocia ang pang-aalipusta sa kanyang kakayahan at muling pinatunayan sa Philippine Tennis Association (Philta) na hindi matatawaran ang kanyang husay.
Ibinasura ng Philta sa lineup ng Philippine women’s team, ipinamalas ng 21-anyos na internationalist kung bakit siya ang No.1 women tennis player sa bansa nang walisin ang mga karibal, kabilang si National mainstay Marinel Rudas sa finals, 6-1, 6-4, para makopo ang gold medal sa women’s singles ng taunang multi-event meet na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Talagang nagpupursige po ako sa training dahil naniniwala po ako na maaayos din ang lahat at makakabalik ako sa National Team. Nagpapasalamat po ako sa PSC kay chairman Richie Garcia dahil hindi po nila ako tinalikuran at patuloy na sinuportahan,” pahayag ng maluha-luhang si Capadocia.
Nauna rito, nakopo niya sa pakikipagtambalan kay Mia Balce ang women’s double title kontra kina Edilyn Balanga at Rudas, 3-6, 6-4, 6-3.
“Kung hindi pa po sapat itong panalo ko sa PNG para patunayan na karapat-dapat ako sa National Team, wala po akong magagawa kundi magsanay na lang nang magsanay. Hindi po ako susuko,” sambit ni Capadocia, nasa pangangasiwa ng PSC matapos ilaglag ng Philta.
Pinagpapaliwanag ng PSC si Philta development head Romy Magat hingil sa desisyon na alisin sa National Team si Capadocia matapos ang dalawang ulit na pagrepaso sa koponan sa nakalipas na taon.
Hiniling ni Capadocia na gamiting batayan ang performance at achievement ng atleta at hindi ang personal na kagustuhan lamang ng mga opisyal.
“Kaming mga atleta, training lang. Hindi kami sumasama sa pulitika. Pero sana naman huwag daanin sa pamumulitika ang pagpili sa National Team. Yung record ng performance ang mahalaga,” sambit ng SEA Games campaigner.
Ginapi naman ni Johnny Arcilla ang kapwa Nationals na si Patrick John Tierro, 6-1, 6-7 (7-5), 6-3, para sa men’s singles gold medal.
Nakabawi naman si Tierro sa mixed doubles sa pakikipagtambalan kay Balce kontra kina Arcilla at Ronard Joven, 6-4, 6-3.
Ipinamalas ng Team Philippines ang matinding kakayahan sa karamihan sa 20 sports na pinaglabanan sa itinuturing na ‘national tryout’.
Hindi nagpatalo ang PH tracksters sa Narciso Ramos Sports and Civic Center kung saan huling nagwagi si Archand Bagsit at ang papaangat na si Karen Janario na nagwagi sa 200-meter sa pagtatapos ng kompetisyon.
Ang Southeast Asian Games gold medalist na si Bagsit ay naorasan sa 21.39 segundo laban sa kapwa nationals na sina Edgar Alejan at Joan Caido. Gayunman, ang oras nito ay mabagal sa national mark na 21.17 na naitala ni Ralph Soguilon.
Si Janario, ang bagong tanghal na UAAP Rookie/MVP awardee, ay naorasan ng 25.33 segundo sa kanyang event, na lubhang malayo sa record ni Lydia de Vega na 23.35 segundo.
Nagtipon ang Nationals ng kabuuang 82 ginto, 30 pilak at 13 tanso upang ipakita na nararapat silang manatili sa insentibo at benepisyo na ibinibigay ng gobyerno.
Nag-uwi rin ng Team Philippines ng 12 ginto sa pencak silat at may 30 sa weightlifting na pinakamarami ang kasali.
(ANGIE OREDO)