Ni Angie Oredo

Nilampasan ni Luisa Yambao-Raterta sa huling siyam na kilometro si Judith Kipchirchir ng Kenya upang masupil ang tangkang ‘sweep’ ng dayuhang runner sa #BellyFit Yakult 27th 10-Miler kahapon, sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Sumuko ang Kenyan sa huling 3 kilometro, sapat para makarating ang Pinay nang walang abala sa finish line at maitala ang tiyempong isang oras, pitong minuto at 25 segundo para maiuwi ang tropeo at P7,000 na ipinagkaloob ni Yakult Philippines, Inc. President Michael Ong.

Kasama sa top winners sina Ailene Tolentino ng Cagayan de Oro City (1:12:11), Cecille Rose Jaro ng Davao City (1:15:08), Sherry Aguila (1:25:58) at Criselda del Rosario (1:29:57) sa patakbong pinangasiwaan ni Rodolfo Biscocho ng Run and Compete Events Organizer.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nakita ko bumagal iyung takbo niya at panay ang lingon sa kanyang likuran. Napuna ko na humihina na siya kung kaya’t sinamantala ko ang pagkakataon at inabutan ko sa last nine kilometers at tinakbo ko sa finish line,” sabi ni Raterta na pinalitan sa trono ang nagpasyang sumali na lang sa side event 5k fun run na si Cinderellea Agana-Lorenzo.

“Malakas yung Kenyan runner. Lagi akong tinatalo niyan. Ngayon nakabawi ako sa kanya,” aniya.

Tumapos naman na 1-2-3 ang mga Kenyan sa men’s side na sina 2016 Condura Skyway Marathon champion Eric Chepsiror (51:25), Jackson Chirchir (54:08) at deposed champion Eliud Kering (54:37). Nakabuntot sina Arellano University third year sports management student Joe Marie Jovelo (57:18) at Hotel Sofitel Philippine Plaza Manila-Pasay City gardener Carlito Fantilaga (58:24).