NASUGATAN sa pamamaril ang bumibisitang Saudi Arabian preacher, awtor, at lecturer na si Dr. Aidh al-Qarni, at si Sheikh Turki Assaegh, religious attaché ng Embahada ng Saudi Arabia sa Metro Manila, habang papaalis sa gymnasium ng Western Mindanao State University (WMSU) nitong Martes. Binaril at napatay ng mga security officer ang suspek na si Misuari Rugasan III, estudyante ng engineering sa unibersidad.
Katatapos lang mag-lecture ni Dr. Qarni sa unibersidad tungkol sa alitan ng mga Sunni at Shiite, ang dalawang pangunahing paksiyon ng Islam sa Gitnang Silangan, partikular na matapos bitayin ng Sunni na Saudi Arabia ang Shia religious leader na si Nimr al-Nimr. Bilang pagganti, sinilaban ng mga Shiite, na dominante sa Iran, ang Embahada ng Saudi sa Tehran.
Ikinokonsidera ng tagapagsalita ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang pamamaril sa WMSU bilang epekto ng alitang Sunni-Shiite. Ayon sa kanya, si Qarni ay nasa hit list ng isang grupo na matagal nang naghihintay ng pagkakataon na paslangin ito.
Gayunman, nangangamba ang mga awtoridad sa Pilipinas na ang pamamaril ay indikasyon ng matagal nang pinangangambahang pagkalat ng impluwensiya ng teroristang grupo ng Islamic State o Daesh na lumalawak na ngayon sa Middle East at North Africa. Kinatatakutan ang Islamic State dahil sa pamumugot sa mga bihag nito, habang unang pinalalawak ang impluwensiya sa Syria hanggang sa Iraq. Sa pagpapatuloy ng digmaang sibil sa Syria, pareho itong iniwasan ng gobyerno at ng puwersa ng mga rebelde. Napaulat na pinaplano nitong magtatag ng tatlong regional center sa Timog-Silangang Asya—sa Singapore, Jakarta, at Bangkok—upang makipag-ugnayan sa mga grupong may kapareho nitong ideyalismo.
Sa Mindanao sa kasalukuyan, maraming grupo ang kumikilos sa labas ng dalawang pangunahing organisasyon—ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang Moro National Liberation Front (MNLF). Nagkaroon ng kasunduan ang gobyerno ng Pilipinas sa MNLF nang itatag nito ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), at kamakailan, sa MILF para sa pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region. Ngunit may iba pang mga puwersa ng mandirigma, gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf, na may sarili nilang agenda.
Sa paghikayat at pagsuporta ng Islamic State sa iba pang grupo sa iba’t ibang panig ng mundo na kaisa sa layunin nitong magtatag ng isang malawakang caliphate sa mundo at magsagawa ng mga taktika ng terorismo, makasusumpong ito ng ibayong suporta sa ilang lugar at sa ilang grupo sa Mindanao. Ang pamamaril sa West Mindanao State University ay ang uri ng gawaing terorista na nasaksihan ng mundo sa Gitnang Silangan. Dapat na maalerto nito ang ating mga defense at security official na matagal nang naghahanap ng senyales na sinimulan na ng Islamic State ang paghahasik ng lagim sa bahagi nating ito sa mundo.