ANG boxing champion na si Manny Pacquiao ay masasabing pinakatanyag na Pilipino sa mundo sa kasalukuyan. Sinasabing nang bumisita siya sa Amateur International Boxing Association (AIBA) World Championships sa Doha, Qatar, kamakailan ay dinumog siya hindi lang ng mga manonood kundi maging ng mismong mga naglalabang boksingero, na itinigil ang kanilang ginagawa upang lapitan si Pacquiao at magpakuha ng mga litrato kasama siya. Sa torneo na ito sinasabing inimbitahan ni AIBA President Dr. Ching Kuo Wu ng Taiwan si Pacquiao na lumahok sa Rio Olympics sa Agosto, dahil inaasahang bubuksan na ang Olympic boxing sa mga propesyunal na boksingero, gaya ng hindi na rin para lamang sa mga baguhan ang Olympic basketball.
Ang popularidad ni Pacquiao sa ibang bansa ay sumasalamin din sa kung gaano siya kasikat sa ating bansa. Kapag lumalaban siya sa United States o sa ibang lugar sa mundo, mistulang lahat sa bansang ito ay nais na manatili sa bahay o kaya naman ay nagtutungo sa mga arena para makasama ang iba pang tagahanga na manonood ng laban sa telebisyon. Sa Abril 9, gagawin ni Pacquiao ang tinatawag niyang huling laban sa kanyang career kontra sa Amerikanong si Tim Bradley sa Las Vegas, Nevada.
Hiniling ng isang kandidato sa pagkasenador sa Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang pagpapalabas ng labang ito dahil ang pagsasahimpapawid nito sa telebisyon ay magbibigay kay Pacquiao ng napakalaking bentahe laban sa iba pang kandidato sa pagkasenador. Alinsunod sa Fair Elections Act, Republic Act 9006, kahit ang mga mamamahayag na madalas na napapanood sa mass media ay inoobligang mag-leave kapag panahon ng kampanya, giit ng naghain ng petisyon.
Itinakda ng Comelec ang pulong sa Martes, Marso 8, para talakayin ang usaping ito. Sinabi ni Comelec Spokesman Director James Jimenez na natatandaan niyang noong 2007, nang si Pacquiao ay kandidato para alkalde ng General Santos City, may kaparehong petisyon din sa laban nito kontra sa Mexican na si Jorge Solis. Ngunit hindi naman ito nangangahulugang kapareho rin ang kasong kinakaharap ng Comelec ngayon, dahil magkaiba ang sitwasyon, aniya.
Magdedesisyon ang Comelec alinsunod sa mga probisyon ng Fair Election Act.
Kung ikokonsidera ang napakaraming tagahanga ni Pacquiao at ang hindi birong kasikatan niya hindi lang sa bansang ito kundi sa buong mundo, hindi masasabing lohikal na asahang makakadagdag ang laban niya kay Bradley sa popularidad niya sa mga botante. Isa itong malungkot na araw para sa lahat—botante man o hindi—kung ang huling laban na ito ni Manny Pacquiao ay ipagbabawal na ipalabas sa telebisyon.