Sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang dating presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na si Jose Roy III at vice president for finance and planning ng unibersidad na si Angelita Solis kaugnay ng ilegal na pagbili ng Hyundai Starex van noong 2006.
Inilabas ng anti-graft agency ang dismissal order laban kina Roy at Solis matapos silang mapatunayang nagkasala sa reklamong grave misconduct.
Tinanggal din sa serbisyo ang lima pang empleyado ng PLM na sina Cecilia Calma, Angeles Ramos, Eloisa Macalinao, Felix Aspiras, at Albert Dela Cruz.
Pinagbawalan na rin ng Ombudsman ang mga ito na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno, at kanselado na rin ang kanilang benepisyo sa gobyerno.
Sa record ng kaso, si Roy ay nagsilbing acting president noong Pebrero 24-Hunyo 1, 2006 habang si Solis ay kasalukuyang bise presidente ng unibersidad.
Sinabi ng Ombudsman na nagawang bumili ng van nina Roy at Solis na nagkakahalaga ng P1.1 milyon kahit hindi ito dumaan sa public bidding, at sa halip ay idinaan ng mga ito sa direct contracting ang transaksiyon.
Matapos masilip ng Commission on Audit (CoA) ay kaagad na nagpalabas ang ahensiya ng Notice of Suspension at idinahilan ang hindi pagsunod ng PLM sa ipinaiiral na procurement regulations bukod pa sa kawalan ng eskuwelahan ng procurement plan.
“The respondents claimed that the decision to resort to direct contracting stemmed from the urgency of the end-user’s need,” ayon sa anti-graft agency.
Gayunman, hindi kumbinsido ang Ombudsman sa rason nina Roy at Solis at sinabing “sinadya ng mga ito na balewalain ang ipinaiiral na requirements ng Government Procurement Reform Act upang paboran ang dealer ng Hyundai Starex van.”
(Rommel P. Tabbad)