Marso 1, 1692 nang kasuhan ng mga opisyal ng bayan ng Salem sa Massachusetts sina Sarah Goode, Sarah Osborne, at ang aliping Indian na si Tituba ng ilegal na pagsasagawa ng witchcraft o pangkukulam. Inamin ni Tituba ang kanyang “krimen”, posibleng dahil sa matinding pananakot, kaya naglunsad ang awtoridad ng mga pagdakip sa mas marami pang mangkukulam sa Salem.
Mahigit 150 katao sa iba’t ibang panig ng Salem ang naaresto dahil sa pagsasagawa ng “Certaine Detestable Arts called Witchcrafts & Sorceryes,” at 19 na katao ang binigti sa Gallows Hill nang mga sumunod na buwan.
Enero 1692 nang magsimulang makaranas ng panginginig ang magpinsang Abigail Williams at Elizabeth Parris, na hindi naibsan kahit pa sa gitna ng pananalangin, pag-aayuno, at gamutang medikal. Sinisi nila ang ilang nagsasagawa ng pangkukulam sa kanilang sinapit.
Nagsagawa ng mga paglilitis ang espesyal na Court of Oyer (“to hear”) at Terminer (“to decide”) laban sa mga akusado noong Hunyo 1692, at ibinatay lang ang pagtukoy sa pagkakasala ng mga nasasakdal sa mga ikinikilos ng mga testigo.
Oktubre 29 nang taong iyon nang buwagin ni noon ay Massachusetts Governor William Phips ang nasabing korte, at tuluyan nang natuldukan ang pagtugis sa mga mangkukulam.