Isang alkalde sa Zamboanga del Sur ang kinasuhan sa Sandiganbayan kaugnay ng kuwestiyonableng pagbili ng second-hand pick-up truck noong 2012, na nagkakahalaga ng halos P1 milyon.
Naghain ang Office of the Ombudsman laban kay Tambulig Mayor Caridad Balaod ng kasong paglabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Kasamang kinasuhan ni Balaod ang budget officer ng munisipalidad na si Gloria Bation at ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) na sina Alexander Remmoto, Bienvenido Suco, Isidro Ebrado Jr., at Elvie Doong.
Batay sa kaso, inakusahan ng Ombudsman ang mga defendant ng pagsasabwatan upang maibigay ang unwarranted benefits kay Evelyn Ranile.
Binanggit ng Ombudsman na noong 2012, bumili ang lokal na pamahalaan ng isang 2007 model ng 4x4 Isuzu DMax na nakarehistro kay Ranile.
Nadiskubre sa imbestigasyon na ang behikulo ay binili sa halagang P900,000 kahit na walang public bidding.
Inirekomenda ng Ombudsman na ang bawat akusado ay magpiyansa ng P30,000.
Ang kaso ay ini-raffle kamakailan sa bagong buong Seventh Division. (Jeffrey Damicog)