SA Rizal, mahalagang bahagi ng kasaysayan ang kalagitnaan ng Pebrero noong panahon ng World War 1945. Noong panahong iyon, naging malaya ang Angono, Taytay, at Cainta mula sa pananakop ng mga Hapon.
Ang mga mamamayan sa nasabing tatlong bayan ay lumaya matapos ang matinding pakikipaglaban ng mga magiting at matapang na pinuno at tauhan ng HUNTERS ROTC Guerilla. Pinamunuan ito ng kanilang Supremo na si Frisco San Juan, Sr., isang Rizalenyo mula sa bayan ng Cardona. Siya’y graduate sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1943 at naging Kongresista sa Rizal.
Ayon sa kasaysayan, noong umaga ng Pebrero 22, 1945, pinalaya sa pananakop ng mga Hapon ang bayan ng Taytay at noong hapon ng araw ding iyon, pinalaya naman ang bayan ng Cainta matapos ang isang matindi at madugong labanan. Dahil sa nasabing mahalagang pangyayari sa kasaysayan, tuwing sasapit ang Pebrero 22, taun-taon, ang mga taga-Taytay at Cainta ay hindi nalilimot na bigyang-halaga ang mga nagawa ng mga beterano ng digmaan sa Rizal.
Ang Liberation Day naman ng bayan ng Angono na Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maesro Lucio D. San Pedro, sa pananakop ng mga Hapon ay naganap noong Pebrero 23, 1945.
Magkatulong sa pagpapalaya at pakikipaglaban sa mga Hapon ang mga tauhan ng HUNTERS ROTC na pinamunuan nina General Terry Adevoso, Lt. Col.Frisco San Juan, Sr. at ang Marking Guerrilas sa pamumuno ni General Macos V.Agustin at ng mga matapang at magitng na tauhan ng USAFFE (United States American Forces in the Far East) na binubuo ng mga sundalong Amerikano.
Tulad ng mga mamamayan sa bayan ng Taytay at Cainta, tuwing Pebrero 23, ang mga taga-Angono ay hindi rin nakalilimot na gunitain at ipagdiwang ang Liberation Day ng Angono. Ang pamahalaang bayan sa pangunguna ni Angono Mayor Gerry Calderon at ng Tanggapan ngTurismo sa Angono ay may inihandang gawain at programa upang bigyang-pugay ang mga dakilang beterano ng digmaan na mga taga- Angono. Ang programa ay pagpapahalaga na rin sa mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Rizal noong Second World War at pagpaparangal at pagkilala sa mga beterano ng digmaan.
Ang programa sa Angono na tinawag na “Veterans’ Day” ay ginaganap sa Lakeshore Park sa Barangay San Vicente, Angono, Rizal na nasa tabi ng Laguna de Bay. (CLEMEN BAUTISTA)