Tabuena, kumakapit sa pangarap na Olympics.
Sa unang tingin, aakalain mong isang pangkaraniwang kabataan na paporma-porma lamang sa mall si Miguel Tabuena. Ngunit, kung titingnan ang daan na kasalukuyan niyang tinatahak, nakagugulat ang misyon ng 21-anyos na pro golfer.
Malinaw ang kanyang layunin, dominahin ang Asian Tour at tanghaling kauna-unahang Pinoy golfer na makalaro sa Olympics. At kung hindi magbabago ang tadhana, isang kasaysayan ang kanyang malilikha.
“The big goal is to get into the Olympics and I think this will help. As of now, I’m already in. If I can keep my momentum, I should do it,” pahayag ni Tabuena, sa panayam ng AsianTour.com.
Kung sakali, malalagpasan niya ang narating ng mga naunang ‘golfing great’ tulad nina Cassius Casas, Frankie Minoza at Juvic Pagunsan.
Sa kasalukuyan, nasa ika-176 sa world ranking si Tabuena. Subalit, inaasahang bababa ito matapos siyang makakuha ng karagdagang ranking point nang makisosyo siya sa ikalawang puwesto sa katatapos na Maybank Championship sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang torneo ay co-sanctioned ng Asian Tour at European Tour.
Batay sa rules ng International Olympic Committee (IOC) makakalaro sa Rio Olympics ang top 100 player sa world ranking kung saan lilimitahan sa apat ang magiging kinatawan mula sa isang bansa. Ang top 10 ay awtomatikong pasok para katawanin ang kanilang bansa.
May hanggang Hulyo ang lahat ng nagnanais na makasabit sa Rio Olympics.
Tumapos ang reigning Philippine Open ng three-under-par 68 para sa dalawang stroke na layo sa kampeon na si Marcus Fraser ng Australia sa Royal Selangor Golf Club. Naiuwi ni Tabuena ang US$260,565 (P11 milyon). Nakopo rin niya ang ikalawang puwesto sa Asian Tour Order of Merit.
“I’ve been on tour for five years now although I’m 21. Being young, it gives me the aggression as I have five years on tour. I’m more mature and I can’t wait for the rest of the year. It will certainly help my world ranking,” ayon kay Tabuena.
Magkasunod na malaking torneo ang target lahukan ni Tabuena sa Malaysia at China. Kung mapagwawagihan niya ito, tuluyan niyang maaagaw ang pangunguna sa Asian Tour at malaking puntos ang kakainin niya para tuluyang makausad sa top 100 sa world ranking.
“Those are the events I really want to play in as the best players will be there. I think my game is ready. Juvic (Pagunsan) has won the Order of Merit, a fellow country man and my close friend Anirban Lahiri won it last year and he’s now on the PGA Tour,” pahayag ni Tabuena.
“Winning the Order of Merit is obviously the next big thing as it can open so many doors. Of course, there are the Majors too. I’m headed towards the right direction,” aniya.