SA EDSA People Power Revolution, na nagpabagsak sa conjugal dictatorship at sa rehimeng Marcos, nakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino na naging susi sa kadakilaan at matibay na pananampalatayang Kristiyano. Maitutulad ang EDSA People Power Revolution sa kislap ng liwanag sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas na lumagot sa tanikala ng panunupil ng isang elitistang diktador.

Ngunit nakalulungkot sapagkat ang liwanag ay hindi nagliyab at naglagablab sa mga inaasahang pagbabago sa lipunan at pamahalaan. Isa na sanang magandang pagkakataon ngunit nabigo ang inaasahan ng sambayanang Pilipino sapagkat nagpalitan lamang ng mga lider ngunit walang pagbabago. Ang pamamahala sa gobyerno ay naging rigodon ng mga piling uri, elitista, naghaharing-uri sa lipunan at mapagsamantala.

Nawala ang pagkakaisa, nagkanya-kanya na ang mga lider at protagonista sa EDSA People Power Revolution upang maging makapangyarihan at magkamal ng kayamanan. Nakisawsaw sa pamamahala ang mga tinaguriang “kamag-anak incorporated”, alipores at iba pang matatalinong bugok. Patuloy din ang paglabag sa mga karapatang pantao at judicial killings.

Dahil sa nasabing mga pangyayari, unti-unting nanamlay hanggang sa maglaho ang sigla sa paggunita at pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa paglipas ng panahon, ang diwa ng EDSA People Power Revolution ay nawawalan na ng puwang sa puso ng nakararaming Pilipino. Sa kanilang paniniwala, bigo si Pangulong Cory Aquino sa pangakong maiahon mula sa paghihikahos ang sambayanan at naging busabos, mahirap at api.

Sumunod ang rehimeng Ramos, nagpakitang gilas na iangat ang nalulugmok na ekonomiya. Isinabak sa “Globalization at Trade Liberalization” ang Pilipinas na walang safety net o panangga. Bumagsak ang maraming negosyo at maraming pabrika ang nagsara. Maraming nawalan ng trabaho na sinundan pa ng “Oil Deregulation Law”.

Ang inyong kolumnista, bilang reporter noon ng DZRH, ay nagkaroon ng bahagi sa apat na araw na coverage ng EDSA People Power Revolution. Nasaksihan at naiulat sa radyo ang mga pangyayari sa kanto ng Ortigas Avenue at EDSA, sa Club Filipino sa San Juan (City na ngayon) nang manumpang pangulo si President Cory at ang pagsugod ng mga sundalo sa Santolan Road, Quezon City.

Sa puso at damdamin, at paniwala, ang EDSA Revolution ay sagisag ng pagkakaisa at pag-ibig sa bayan na nagbalik sa inagaw na DEMOKRASYA at KALAYAAN. (CLEMEN BAUTISTA)