mayon copy

Ravina, nalusutan ng Tazmanian sa ikatlong stage ng Le Tour.

LEGAZPI CITY- Hindi na napigilan ng mga manonood na magdiwang nang makitang papasok na sa finish line si Pinoy rider Jonipher ‘Baler’ Ravina, ngunit sa isang kisap-mata ay naglaho ang saya’t tuwa nang ibang mukha ang nakatawid para sa podium.

Kinapos sa padyak ang 29-anyos na pambato ng 7-11 Sava-RBP sa huling 300 metro ng ratratan, sapat para maungusan ni Wesley Sulzberger ng Kinan Cylcing Team sa ikatlong stage ng 2016 Le Tour Filipinas, kahapon dito.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nagbabadya na ang pagbubunyi ng tropang Pinoy nang makawala sa lead group si Ravina, subalit sa paspasang labanan sa krusyal na sandali, mas nanaig ang bilis ng Tazmanian rider para makawala sa Pinoy ang stage title sa ikalawang sunod na araw sa karera na sanctioned ng International Cycling Federation (UCI).

Tinapos ni Sulzberger ang 185.79 kilometrong karera mula sa tiyempong 4 na oras, 27 minuto at 55 segundo, 20 segundo ang layo kay Ravina (4:28.15) na tumapos sa ikatlong puwesto.

Sumegunda si Guy Kalma ng Attaque Team Gusto (5:27.57).

“Doon sa last 300 meters na lang sila nakawala sa kin pagdating dun sa pagliko,” pahayag ng 34-anyos, na puno nang panghihinayang sa kinalabasan ng kampanya.

“Pinilit ko na lang makakuha ng stage para sa team kaso medyo kinapos pa,” sambit ng 2012 Le Tour champion mula sa Asingan,Pangasinan.

Nagawang makakalas ni Ravina sa 5-man lead group may walong kilometro mula sa neutral zone at hindi na bumitaw para sa inaasahang tagumpay.

Kabilang din sa nasabing breakaway group si defending champion Thomas Lebas ng Japa-based Bridgestone Anchor Cycling Team.Ngunit nalaglag ito matapos dalawang beses na makaranas ng flat tire.

Naging mahig-ipit naman ang bantayan ng mga siklistang nasa top 10 ng individual classification na nagkaroon lamang ng kaunting paggalaw.

Nanatili sa top 3 sina Oleg Zemilyakov (13:43.22) ng Vino 4-Ever SKO at kakampi niyang si Yevgeny Gidich (13:43.41), at pangatlo naman ang Australian rider ng Seven Eleven na si Jesse James Ewart(13:43.44).

Bagama’t napanatili ang kanyang pagiging Best Placed Filipino rider, bumaba ng isang baitang mula sa 6th spot si Marcelo Felipe ng Seven Eleven na nakatipon nang kabuuang oras na 13:44.47, may isang minuto at 25 segundo ang layo kay Zemilyakov.

Napanatili rin ng Vino 4-Ever ang kanilang pangingibabaw sa team classification sa natipong oras na 41:13.59 may 5 minuto at 16 na segundo ang layo sa pumapangalawang Seven Eleven (41:19.15). (MARIVIC AWITAN)