rayver-02 copy

HINDI naman porke pinasok na ni Rayver Cruz ang recording ay kakalimutan na niya ang pag-arte. Ayon sa actor, matatawag niyang pagsubok lang ang pagre-record ng kanyang album na What You Want na iri-release sa susunod na buwan.

“Nakakatuwa lang kasi alam n’yo namang hilig ko talaga ang sumayaw at tiyempo namang danceable ang ibinigay nilang music sa akin na puwedeng kantahin. Kaya nga sa totoo lang, eh, gulat na gulat nga sa akin ‘yung nagiging coach ko du’n sa abroad kung saan ni-record ko ang album ko,” sey ni Rayver.

Kasama sa album ni Rayver ang dalawang original songs mula sa Academy of Rock sa Singapore at ang voice coach niya ay ang singer na si Thor.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

“Pinasayaw pa nga nila ako sa harapan nila at nagulat pa sila dahil hindi nila alam na kahit papaano, eh, marunong tayong sumayaw. Nu’ng sumayaw nga ako sa harapan nila, tuwang-tuwa sila, parang gusto nga nilang i-release na agad ‘yung songs ko, kasi nga wala raw gumagawa du’n noon na parang sumasayaw at kumakanta,” banggit pa ni Rayver.

Dalangin ni Rayver na sana ay naibigay niya sa mga taong nasa likod ng kanyang album ang nais ng mga ito, at magustuhan din ito ng lahat ng mga mahilig sa musika.

“Sana maganda ang kinalabasan at maaliw ko sila. At sana, something new na magulat din sila na kaya rin pala ni Rayber na kumanta na may kasamang sayaw. ‘Yun naman ang gusto ko sa album na ito, na maipakita sa tao na hindi lang ako basta marunong sumayaw kundi kaya ko ring ang magiging total performer na kagaya ni Sir Gary Valenciano,” sey pa rin ni Rayver.

Bakit ikinukumpara niya ang kanyang sarili kay Gary V?

“Hindi naman sa ikinukumpara, kasi ‘yun naman talaga ang isa sa mga choices naming ng mga kaibigan ko, kasi nga ever since naman, eh, sino lang ba ‘yung idol ng lahat pagdating sa mga ganyang kanta?

“Kumbaga, si Sir Gary lang yata ang kilala sa ganyan. Kasi ever since naman, eh, sino lang ba ‘yung idol namin pagdating sa mga ganyan?“ balik-tanong sa amin ni Rayver. (JIMI ESCALA)